8K UNDOCUMENTED FIREARMS HAWAK NG POLITICIANS?

KAALAMAN Ni Mike Rosario

KUNG alam ng Philippine National Police (PNP) na may walong libong (8K) undocumented firearms o mga baril na walang kaukulang dokumento o paso ang mga lisensya, ay gumawa sila ng paraan kung paano nila makukumpiska ang mga ito.

Sa kanila na mismo nanggaling ang report na ito, kaya sila rin dapat ang kumilos laban dito.

Ayon kay Philippine National Police-Civil Security Group (PNP-CSG) Director P/BGen. Benjamin Silo, ang walong libong undocumented guns ay kumakatawan sa 27 porsyento ng humigit kumulang 30,000 registered firearms ng elected officials mula mga mambabatas hanggang barangay officials.

Ano na ang mangyayari ngayon sa mga Pilipino? Lalo na’t nalalapit na ang Barangay at SK elections sa Oktubre 2023.

Nakalulungkot dahil sila na ang nagpapalakad sa mga opisina ng gobyerno pero sila pa ang hindi sumusunod sa batas, dapat nilang i-renew ang kanilang mga baril.

Sinasabi na 50% ng 8K na undocumented guns ay nasa barangay officials, maaaring ito ang pagmulan ng kaguluhan sa nalalapit na halalan.

Hindi dapat matapos sa pagpapaalala ang ginagawa ng pulisya sa mga undocumented firearms kundi gumawa sila ng paraan kung paano nila makukumpiska ang mga baril na hindi inire-renew ang mga dokumento.

Bagama’t ilang buwan pa bago sumapit ang Barangay at SK elections ay may nangyayari nang mga krimen na kinasasangkutan ng mga barangay official.

Kung may alam ang pulisya na may mga baril ang ilang barangay officials ay agad nang aplayan nila ng search warrant ang mga ‘yan hanggat wala pang nangyayaring krimen.

Kung ganyan karami ng undocumented firearms at hawak pa ng mga nasa gobyerno ay nagpapakita lamang ito na mismong nasa pamahalaan ang hindi sumusunod sa batas.

Dapat sila ang maging modelo ng taumbayan dahil sila nanunungkulan sa mga tanggapan ng pamahalaan.

Paano sila magiging halimbawa ng mga ordinaryong Pilipino kung sila mismo ay hindi sumusunod sa batas?

Mahiya naman kayo! Pinasusuweldo namin kayo.

Hindi dapat maging “ningas-kugon” ang kampanya ng pulisya laban sa undocumented firearms dahil dito nakasalalay ang katahimikan ng ating bansa.

272

Related posts

Leave a Comment