ARESTADO ang siyam na sabungero matapos maaktuhan ng mga pulis na nagkasa ng Oplan Galugad, habang nagsasagawa ng tupada sa Malabon City.
Kinilala ni Malabon City Police chief, Col. Joel Villanueva ang mga inaresto na sina Nestor Cator, 62; Roger Garcia, 47; Edison Ybañez, 33; Joel Toñacao, 54; Ronilo Peronilo, 35; Arman Enmil, 32; Rico Barles Jr., 39; Wilfred Duro, 39; at Ricky Rivadulla, 34-anyos.
Batay sa imbestigasyon ni P/SSgt. Michael Oben, dakong alas-11:00 ng umaga, nagsagawa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 3, sa pangunguna ni P/Major Carlos Cosme, sa kahabaan ng Yanga St., Brgy. Maysilo.
Hanggang sa maaktuhan ng mga pulis ang isang grupo na nagsasagawa ng tupada na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Nakumpiska ng mga pulis sa mga suspek ang dalawang patay na panabong na manok na may tari at P4,100 bet money.
Dinala ang mga dinakip sa himpilan ng pulisya saka sinampahan ng kasong paglabag sa PD 1602 as amended by RA 9287 (Illegal Cockfighting locally known as Tupada). (FRANCIS SORIANO)
