SIYAM ang patay sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area dahil sa pandemya sa COVID-19 batay sa health offices ng nasabing mga lungsod.
Ayon sa ulat, pito ang patay sa Malabon City at umakyat na sa 550 ang COVID death toll ng lungsod. Habang 145 ang nadagdag na confirmed cases noong Agosto 29 at sa kabuuan ay 17,020 ang positive cases sa lungsod, 1,083 dito ang active cases.
Sa kabilang banda, 102 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling. Sa kabuuan ay 15,387 ang recovered patients ng Malabon.
Isang COVID patient naman ang binawian ng buhay sa Valenzuela City, habang 1,638 ang active cases matapos na 72 ang nagpositibo sa virus at 209 naman ang gumaling.
Hanggang 8pm noong Agosto 29 ay 26,776 na ang tinamaan ng COVID sa siyudad, at sa naturang bilang ay 24, 512 na ang gumaling, habang 626 na ang namatay.
Isa ring COVID patient ang namatay sa Navotas City habang 1,505 na ang active cases matapos na 89 ang gumaling at 117 naman ang nahawaan ng virus. Tumuntong na sa 14,426 ang tinamaan ng COVID sa fishing capital, at dito ay 12,482 na ang gumaling at 439 na ang namatay. (ALAIN AJERO)
133 