SA pinalawak na kampanya kontra kriminalidad ng PNP Police Regional Office 5 na nasa pamumuno ni Regional Director Jonnel C. Estomo, nagwakas na ang ilang taong pagtatago sa batas ng siyam na indibidwal sa ikinasang manhunt operation ng PNP Bicol nitong nakalipas na araw sa iba’t ibang panig ng rehiyon.
Sa probinsya ng Sorsogon, tatlong wanted ang nadakip ng pulisya ng Sorsogon Police Provincial Office katuwang ang Regional Mobile Force Battalion 5, dakong 10:30 ng hapon noong Huwebes sa Brgy. 4, Poblacion, Sta. Magdalena.
Kabilang sa mga nahuli ay ang rank 1 municipal most wanted person (MMWP) ng Sta. Magdalena MPS na si Gerome Barcenas y Formanes, 22-anyos, residente ng nasabing lugar.
Si Barcenas may kasong rape batay sa warrant of arrest na ibinaba ng RTC Br. 55, Irosin, Sorsogon noong Hunyo 30, 2021. Ito ay bunsod sa nangyaring panggagahasa umano ng akusado sa 15-anyos na dalagita noong Disyembre 10, 2019.
Matapos ang sampung taon, naaresto rin ng mga operatiba ang isang miyembro ng New People’s Army dakong alas-4:30 ng hapon sa Brgy. Tula-Tula Sur, Magallanes. Ito ay kinilalang si Sonny Nace y Galino, alyas “Larry”, aktibong miyembro ng L2 KP3, BRPC, non-PSR listed, 54-anyos, driver at residente ng nasabing lugar.
Ayon kay PNP-PRO5 Public Information Office Chief P/Major Malou Calubaquib, si Nace ay sinampahan ng kasong paglabag sa RA 8294 o ang batas na nagbabawal sa pagpapabili, paggawa o pagbili ng mga sangkap sa paggawa ng pampasabog na may kaugnayan sa Comelec Resolution No.8714. Dagdag pa rito ang kasong frustrated murder na walang piyansa.
Sinuyod din ng mga operatiba ang kinaroroonan ng 23-anyos ng lalaking sangkot sa hazing sa Bulan, Sorsogon na nagtatago sa Brgy. Ibaba, Santa, Rosa Laguna.
Ito ay nabigyan ng daan sa pamamagitan ng warrant of arrest mula sa RTC, Branch 65, Bulan, Sorsogon na nilagdaan noong Hulyo 30, 2021, sa kasong paglabag sa Anti-Hazing law.
Tiklo rin ang dalawa sa most wanted person ng probinsya ng Camarines Sur na sina Rodolfo Luzon y Esplago, 42, residente ng Zone 1, Sitio Abaca, Sto. Domingo, Nabua, Camarines Sur. Si Luzon ay tinaguriang rank 1 MMWP ng Nabua MPS para sa salang paglabag sa Sec. 11, Art. II at Sec. 12, Art. II ng RA 9165. Ang korte ay walang inirekomendang piyansa para sa naturang kaso.=
Habang sa Tagbong, Pili ay himas-rehas ang wanted sa salang panggagahasa na si Romeo Milante y Pesimo, 35, residente ng Zone-5, Sitio Talisay, Brgy. Dulo San Jose. Ito ay sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong rape mula sa RTC 5 Branch No. 58, San Jose, Camarines Sur.
Kulungan naman ang kinahantungan ng dalawang wanted person ng probinsya ng Albay bunga ng pagsisikap ng Albay Police Provincial Office na mabigyan ng hustisya ang mga naging biktima ng pananamantala at karahasan.
Kinilala ang isa sa mga naaresto na si Jesus Azores y Aydalla alyas Putol, 50, residente ng P-3, Brgy. Bonga, Legazpi City. Ito ay sa bisa ng warrant of arrest na ibinaba ng RTC Branch 1-Family Court, Legazpi City noong Oktubre 5, 2021 para sa kasong rape na walang piyansa.
Pagsapit naman ng 1:15 ng hapon, ‘di na rin nakaalpas ang 18- anyos na lalaking wanted sa krimeng rape. Tinukoy itong si Mark Kevin Bedis Abiera tubong P-4B, Brgy. Rawis Legazpi City. Walang inirekomendang piyansa para sa kanyang kaso.
Sa isla naman ng Masbate, swak sa selda ang wanted sa kasong murder na si Joel Patricio y Mancera, 26, at residente ng Brgy. Panique, Aroroy, Masbate.
Nasurpresa naman ang rank 1 MMWP ng Mobo MPS nang hainan ito ng mandamiento de arresto ng mga kawani ng Masbate Police Provincial Office para sa kasong murder. Kinilala ang suspek na si Roberto Lalaguna y Ramos, 49, magsasaka at residente ng Brgy. Sawmill ng nasabing bayan.
Ang pagkakahuli sa mga suspek ay bahagi nang walang humpay at mas pinalakas na kampanya kontra wanted persons ng PNP Bicol sa pamumuno ni P/BGen. Estomo, upang mapigilan ang krimeng maaaring magawa pa ng mga wanted person na nabanggit. At higit sa lahat ay upang bigyan ng kapanatagan at katarungan ang mga biktima ng masamang aksyon at gawain ng mga ito.
“We will remain staunch and solid in pursuing our goals for the community. We will go after with the long list of wanted persons and make sure that they get the consequences from the crimes they have committed.
We have oath to serve the nation and we will prove everyday we are true to the promises we have made,” ayon kay RD Estomo. (JESSE KABEL)
