BIKE LANE PROJECTS TULOY

WALANG plano ang gobyerno na abandonahin ang bicycle lane projects dahil pinaglaanan ito ng panibagong pondo na umaabot sa kalahating bilyong piso sa susunod na taon.

Ito ang kinumpirma ni Quezon City Rep. Marvin Rillo kung saan hindi lang bike lanes ang isasaayos gamit ang P500 million pondo kundi ang maging pedestrian walkways para sa kaligtasan ng mga tao lalo na ang mga may kapansanan at mga bata.

“To further stimulate human-powered mobility, such as cycling and walking, there is an additional budget of P500 million for the development of active transport infrastructure and facilities in 2024,” ayon sa mambabatas.

Nabatid na ang nasabing proyekto ay bahagi ng Active Transport Program (ATP) ng gobyerno na nasa ilalim ng Department of Transportation na naglalayong hikayatin ang mga tao na gumamit ng bisikleta at maglakad dahil nakabubuti ito sa kalusugan.

Sinabi ng mambabatas na ang bagong pondo ay karagdagan sa P705 million na inilaan sa ATP ngayong taon at P2 billion noong 2022.

“We are all for active transport, which lessens harmful motor vehicle emissions, promotes cleaner air and improves individual and community health,” ayon kay kay Rillo, vice chairman ng House committee on Metro Manila development kaya kailangang ituloy aniya ang nasabing proyekto.

(BERNARD TAGUINOD)

236

Related posts

Leave a Comment