PORMAL nang inihain ng Makabayan bloc sa Kamara ang resolusyon para imbestigahan ang umano’y dayaan noong 2022 election kung saan agad nakakuha ng 20 milyong boto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Base sa House Resolution (HR) 1239 na inakda ng Makabayang bloc na kinabibilangan nina Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel, Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas at ACT Teacher party-list Rep. France Castro, inaatasan ng mga ito ang mga kaukulang komite sa Kamara na imbestigahan ang paggamit sa isang ‘single private network” na nakaapekto sa automated electoral system noong nakaraang eleksyon.
“The recent allegation made by former Department of Information and Communication Technology Secretary Eliseo Rio raise serious concerns about serious irregularities in the 2022 presidential election,” ayon sa panukala.
Natuklasan anila ng grupo ng computer forensic examiners mula sa grupo ni Rio na malaking porsyento ng resulta ng eleksyon sa Metro Manila at dalawang probinsya ay natanggap ng Commission on Elections (Comelec) mula sa iisang IP address na 192.168.0.2.
Lumalabas na sa nasabing IP address nanggaling ang unang 20 milyong boto ni Marcos na ipinadala gayung hindi pa tapos ang bilangan subalit wala pang malinaw na paliwanag anila rito ang Comelec.
Si Marcos ay nakakuha ng 31 milyong boto noong nakaraang eleksyon base sa datos ng Comelec subalit kinuwestiyon ng grupo ni Rio ang 20 milyong boto na mula sa iisang IP address.
“Kailangan masagot ang mga tanong ng taumbayan dito dahil ang implications nito ay di lang sa nakaraang halalan pero sa lahat pang susunod na halalan. Hangga’t may di pa nasasagot na tanong sa ating automated election system di natin masasabi na reliable and credible ang halalan sa ating bansa,” ani Manuel na pangunahing may-akda sa nasabing resolusyon.
Panahon na rin umano para alisan ng papel ang Smartmatic sa mga susunod na eleksyon dahil sa mga anomalya at kapalpakan na kinasasangkutan ng mga ito subalit hindi naparurusahan.
(BERNARD TAGUINOD)
231