NGCP TOWER PINASABUGAN, BPAT MEMBER PATAY

PATAY ang isang miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) matapos bombahin ng hindi kilalang mga suspek ang transmission line tower ng NGCP sa Barangay Paiton, Kauswagan, Lanao del Norte pasado alas-12:00 ng madaling araw nitong Biyernes.

Umaga na nang makaresponde ang mga tauhan ng Kauswagan PNP kasama ang mga sundalo ng Army dahil sa may kalayuan ang lugar na nasa 6 kilometro ang layo mula sa municipal station at walang phone signal.

Nalaman lamang ang impormasyon matapos makapag-report sa pulisya ang isa pang miyembro ng BPAT.

Ayon sa imbestigasyon ng Kauswagan police, dalawang magkasunod na malakas na pagsabog na sinundan ng isa pang mahinang putok ang narinig ng mga residente sa lugar bago nawala ang suplay ng kuryente.

Dahil sa pagsabog, natumba ang NGCP Tower No. 14 na nasa sa Purok 3, Barangay Paiton.

Narekober sa site ang bangkay ng nasabing BPAT member na hindi pa pinapangalanan ng pulisya.

Nakuha rin ng mga awtoridad ang piraso ng IED na ginamit sa pagpapasabog.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente at inaalam kung anong grupo ang may kagagawan sa pagpapasabog.

Ayon naman sa NGCP, nasa blast site pa ang kanilang Technical team para ayusin ang nasabing tower.

Samantala, kinukumpirma pa rin ang ulat mula naman sa 2nd Mechanized Brigade ng Army, na may isa pang pulis na namatay umano sa ikalawang bugso ng pagsabog habang nagsasagawa ng clearing operation ang mga awtoridad.

(NILOU DEL CARMEN)

 

323

Related posts

Leave a Comment