MULING nabawasan ng miyembro ang Mababang Kapulungan ng Kongreso matapos alisin sa roll of members si An Waray party-list Rep. Florencio “Bem” Noel kasunod ng desisyon ng Commission on Election (Comelec) na kanselahin ang registration ng kanilang partido.
Sa pamamagitan ng mosyon ni House Deputy Majority Leader Janette Garin, sa gitna ng budget deliberation ng Kamara, tinanggal sa roll of members ng 19th Congress si Noel bilang pagsunod sa desisyon ng Comelec.
“I move that the secretary general be directed to execute and implement the resolution and accordingly, drop the An Waray Party-list Representatives from the roll of members of the 19th Congress,” ayon sa mosyon ni Garin.
Nag-ugat ang pagbawi ng Comelec sa registration ng An Waray noong 2013 nang paupuin ang kanilang second nominee at kapatid ni Noel na si Atty. Victoria Noel kahit walang sertipikasyon mula sa komisyon.
Base sa mga report, isa sa petitioners umano para idiskwalipika ang An Waray dahil sa paglabag sa batas, ay si Tingog Party-list Rep. Jude Acidre kung saan, ang first nominee ng partido ay asawa ni House Speaker Martin Romualdez na si Rep. Yedda Marie Romualdez.
Nabatid na kasama ni Noel sa An Waray si Acidre bago ito kumalas sa kanilang partido at itinatag ang Tingog Party-list.
Dahil dito, 310 na lamang ang miyembro ng 19th Congress matapos mabakante ang isang distrito sa Valenzuela City nang i-appoint bilang Secretary ng Department of Social Welfare and Development si dating Congressman Rex Gatchalian habang tinanggal din si Negros Rep. Arnolfo Teves Jr.
Ngayong 19th Congress ay 315 ang nakalaang upuan sa Kamara subalit hindi na nagkaroon ng kinatawan ang mga nanalong party-list organization noong nakaraang eleksyon na kinabibilangan ng Magsasaka Party-list at PWD Party-list dahil sa kasong kinahaharap ng mga ito sa Comelec.
(BERNARD TAGUINOD)
222