MAPAYAPA at “generally manageable” ang paggunita sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief PGEN Jose Melencio Nartatez Jr.
Hanggang alas-12:00 ng tanghali nitong Miyerkoles (Pebrero 25), nanatiling kontrolado ang sitwasyon kahit sinabayan ito ng ikatlong “Trillion Peso March” na kumokondena sa korupsyon.
Nagpatupad ang PNP ng multi-layered deployment strategy sa mga pangunahing lugar tulad ng People Power Monument, EDSA Shrine at White Plains sa Quezon City.
Naka-full alert ang National Capital Region Police Office at mahigit 14,000 pulis ang idineploy sa Metro Manila. Pinaigting din ng iba’t ibang Police Regional Offices ang pagbabantay sa mga “pocket protest” sa mga lalawigan.
EDSA Legacy Pinabayaan
Para sa August 21 Movement (ATOM) na tila napabayaan na ang legasiya ng EDSA People Power Revolution, dahilan upang muling manaig umano ang korupsiyon at pang-aabuso sa bansa.
Ayon sa grupo, kung tunay na naitaguyod ang diwa ng People Power, hindi na sana nanunumbalik ang mga problemang minsang nilabanan ng mamamayan noong 1986.
Itinatag ang ATOM ni Butz Aquino, nakababatang kapatid ng yumaong Benigno Aquino Jr., na kabilang sa mga unang nanawagan noon na magtipon ang taumbayan sa EDSA, na nagbunsod sa mapayapang pagpapatalsik sa diktadura.
Sa pulong-balitaan, iginiit ni ATOM president Voltaire Bohol na marami sa kabataan ngayon ang nagsasabing “mahirap mahalin ang Pilipinas,” ngunit nakalilimutang minsang hinangaan ng mundo ang bansa dahil sa People Power.
Dagdag pa niya, upang tuluyang makausad ang Pilipinas, kinakailangan umanong mapanagot ang mga personalidad sa likod ng tinaguriang “conjugal dictatorship” noong panahon ng yumaong pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Seguridad sa Malakanyang
Mahigpit din ang seguridad sa paligid ng Malacañang Palace. Isinara ang Arlegui at Solano gates at nilagyan ng barb wire habang naka-deploy ang mga tauhan ng Manila Police District hanggang Ayala Bridge.
Sa kabila nito, tuloy ang operasyon sa loob ng Palasyo dahil hindi idineklarang holiday ang araw. Bukas din ang Presidential Action Center sa ilalim ng Office of the President para sa medical at iba pang assistance.
Kilos Protesta sa Maynila
Nagkasa rin ng protesta ang BAYAN Timog Katagalugan sa tapat ng Plaza Lacson sa Sta. Cruz, Maynila.
Panawagan ng grupo ang pagpapanagot sa mga sangkot sa malawakang korupsyon, partikular sa mga maanomalyang flood control projects na umano’y nakaapekto sa mga komunidad sa paligid ng Laguna de Bay.
Matapos ang pagkilos sa Sta. Cruz, nagtungo ang grupo sa EDSA upang makibahagi sa iba pang programa kaugnay ng paggunita sa ika-40 anibersaryo ng People Power Revolution.
(TOTO NABAJA/CHRISTIAN DALE)
1
