CAVITE – Arestado ang dalawang hinihinalang tulak na kabilang listahan ng high value individuals ng pulisya, at nasamsam ang mahigit P3 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Bacoor City noong Martes ng hapon.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 in Rel. to Sec 26B, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act, ang naarestong mga suspek na sina alyas “Yolly”, 70, at “Arnie”, 29, kapwa residente ng Tramo, Talaba 1, Zone 7, Bacoor City, Cavite.
Ayon sa ulat, bandang alas-5:01 ng hapon, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng RPDEU 4A na siyang lead unit, Rid 4A, PIU CAVPPO, PDEA 4A at Bacoor Component City Police Station, sa parking area ng isang kilalang pizza parlor sa Aguinaldo Highway, Brgy. Talaba 1, Bacoor City na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Nakumpiska mula kay Yolly ang tinatayang 50.1 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P340,000.00, habang 398 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P2,706,400.00 ang nakuha kay Arnie, o kabuuang halagang P3,047,080.00 at buy-bust money.
(SIGFRED ADSUARA)
1
