KULANG NA PONDO PARA SA FREE HIGHER EDUCATION, DAPAT PAGTUUNAN NG PANSIN

IGINIIT ni Senador Win Gatchalian na dapat mapunan ang P4.1 bilyong pondo na kulang para sa pagpapatupad ng free higher education o libreng kolehiyo sa mga State Universities and Colleges (SUCs) sa susunod na taon, bagay na aniya’y mahalagang tugunan upang matiyak ang kalidad ng edukasyon sa kolehiyo.

Una nang iniulat ni Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC) President Dr. Tirso Ronquillo na ang tinatayang Program of Receipts and Expenditures para sa 2024 ay P25.8 bilyon.

Ngunit sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) para sa 2024, P21.6 bilyon lamang ang nakalaan para sa libreng kolehiyo sa mga SUCs. Nakabatay ang Program of Receipts and Expenditures sa tuition at iba pang school fees ng mga inaasahang bilang ng mga mag-aaral.

Ipinaliwanag din ni Dr. Ronquillo na para sa 2022 at 2023, hinarap din ng mga SUCs ang kakulangan sa pondo ng libreng kolehiyo. Para sa 2022, umabot sa P2.8 bilyon ang kakulangan sa pondo ng mga SUCs. Ngayong 2023 naman, mayroong kakulangang P4.2 bilyon.

“Kung kulang ang pondo ng libreng kolehiyo maaapektuhan naman ang cash flow ng ating mga SUCs. Hindi sila makakapagpatayo ng mga laboratoryo, mga silid-aralan, at iba pang mga pasilidad. Hindi natin maihahatid ang dekalidad na edukasyon kung kukulangin naman tayo sa mga pasilidad at mga laboratoryo,” ani Gatchalian.

Ayon sa senador, hindi tugma sa bilang ng mga benepisyaryo ng libreng kolehiyo ang pagtaas ng pondo ng libreng kolehiyo.

Noong 2022, may 1.6 milyong mag-aaral na nakatanggap ng libreng kolehiyo, habang 1.7 milyon naman ang nakinabang noong 2023.

Kada taon mula 2022 hanggang 2023, umabot sa P18.7 bilyon ang pondong nakalaan sa libreng kolehiyo sa mga SUCs. Samantala, tinataya ng PASUC na aabot sa 1.8 milyong mag-aaral ang inaasahang makikinabang sa libreng kolehiyo sa 2024.

Batay sa datos ng UNESCO Institute for Statistics buhat noong Hulyo 29 ngayong taon, umaabot sa 51.38% ang tertiary education participation rate ng Pilipinas, ang pangalawang pinakamataas sa ASEAN kasunod ng Singapore na umaabot sa 91.08%.

“Pagsisikapan kong mapunan ang P4.1 bilyong kakulangan sa pondo para sa susunod na taon. Kaya nga Universal Access to Quality Tertiary Education ang tawag sa batas. Hindi lang access ang tinutugunan natin, binibigyan din natin ng halaga ang kalidad ngunit kung kulang tayo sa pondo, bababa ang kalidad ng edukasyon,” pagtatapos ng senador.

(Dang Samson-Garcia)

729

Related posts

Leave a Comment