KAALAMAN ni MIKE ROSARIO
KUNG sinasabi ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Atty. Vigor Mendoza na available na ang hard plastic driver’s license, bakit ang iniisyu ng kanilang ilang LTO Satellite Office ay ordinaryong coupon bond driver’s license lang.
Papogi lang ba ito ni LTO Chief Atty. Vigor Mendoza sa mga taga-media?
Sa katunayan, nagrereklamo ang mga nagre-renew ng kanilang driver’s license sa Robinsons LTO Satellite Office dahil ang iniisyu sa kanila ay pawang ordinaryong coupon bond driver’s license lamang nitong nakaraang Linggo.
Ayon pa sa nakapanayam ng KAALAMAN, na isang delivery rider, nadismaya siya nang mag-renew siya sa nasabing LTO Satellite Office dahil ang inisyu sa kanyang driver’s license ay papel lamang.
“Baka wala pang isang linggo ay sira na itong driver’s license ko, unang-una ang dami ngayong check points dahil sa Barangay at SK elections, sa bawat daraanan kong checkpoint, kukunin ang driver’s license ko, sira na ito agad, tag-ulan pa ngayon, paano na?” banggit pa ng rider.
“Hindi rin maaaring i-laminate ang inisyung papel na driver’s license dahil may nakasulat sa likod nito na hindi maaaring guntingin o tabasin,” anang rider.
Hindi rin alam ng mga taga-Robinsons LTO Satellite Office kung kailan makukuha ng mga naisyuhan ng papel na driver’s license, ang kanilang hard plastic license.
Anong nangyayari sa LTO? Nagbayad na lahat, sumunod sa tamang proseso kahit na pinahihirapan n’yo pa, tapos ang iisyu n’yo ay coupon bond na driver’s license?
Sinasabi mo, Atty. Mendoza, na may hard plastic driver’s license na, bakit ang iniisyu sa Robinsons LTO Satellite Office ay papel pa rin?
Ibig sabihin, hindi alam ng inyong mga satellite office ang inyong sinasabi sa mga taga-media?
Lumalabas na walang koordinasyon ang inyong mga satellite office sa inyong opisina riyan sa Central Office sa East Avenue, Quezon City. Bakit wala silang alam sa statement n’yo sa media?
At kung totoo ang inyong sinasabi na may hard plastic driver’s license na bakit hindi n’yo binibigyan ang Robinsons LTO Satellite Office nyo? Nang hindi kayo napapahiya sa taumbayan.
Sa dinami-rami sa araw-araw na mga kumukuha ng driver’s license, wala bang magrereklamo niyan na ang iniisyu ng Robinsons LTO Satellite Office ay papel na driver’s license?
Sa dinami-rami ring nanonood ng telebisyon, wala bang nakapanood sa sinasabi mo (Atty. Mendoza) na may hard plastic license na?
Kung wala pang hard plastic driver’s license, bakit kailangan pang magsabi na mayroon na? Kung talagang totoong mayroon na dapat ay bigyan n’yo ang Robinsons LTO Satellite Office upang walang lumabas na reklamo laban sa inyo. Ay naku!
184