PINADEDEDMA sa gobyernong Marcos Jr., ng isang mambabatas sa Kamara ang alok ng China na buksan muli ang diplomatic talks sa West Philippine Sea (WPS) dahil wala umano itong maibubungang maganda para sa Pilipinas.
Sa gitna ng lumalalang tensyon ng dalawang bansa sa patuloy na pangha-harass ng Chinese Coast Guard at Chinese Maritime Militia sa mga Pilipino sa WPS, iminungkahi ni Chinese Ambassador Huang Xilian na muling mag-usap upang resolbahin ang problema.
Gayunpaman, sinabi ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte na tanging China ang makikinabang kapag pinatulan ng Pilipinas ang alok nito lalo na’t hindi na mababago ang kanilang isip na pag-aari nila ang buong South China Sea.
“Beijing, the nonpareil gaslighter, has no place in any negotiating table to discuss the WPS issue as it persists on bullying us and harassing our vessels and fisherfolk on the absurd excuse that the Philippines is the one guilty of ‘infringement and provocation’ in intruding into South China Sea (SCS) islands and adjacent waters that belong to China, hence ostensibly giving them the legal right to protect their supposed sovereign rights,” paliwanag ni Villafuerte.
Wala aniyang paggalang ang China sa mga international law tulad ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na siyang nagtakda ng exclusive economic zone ng isang bansa sa mga karagatan.
Hindi rin kinikilala ng China ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration ng UN na ang mga teritoryong inaangkin at binakuran nito sa WPS ay pag-aari ng Pilipinas.
Nitong mga nakaraang linggo ay lumala ang tensyon sa WPS dahil sa pambobomba ng tubig sa mga barko ng Pilipinas na nagdadala ng supply sa mga sundalo na nakadeploy sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Dahil dito, umaabot na umano sa 130 ang diplomatic protest na inihain ng Pilipinas sa ilalim pa lang ng Marcos Jr., administration subalit binabalewala ng China.
