P1-B SA BICYCLE LANES

UPANG makahikayat ng mas maraming magbibisikleta, binigyan ng Kongreso ng isang bilyong piso ang Department of Transportation (DOTr) para sa kanilang Active Transport and Safe Pathways Program (ATSPP).

Ito ang kinumpirma ni House committee on Metro Manila Development vice chairman Rep. Marvin Rillo na umaasang agad gagamitin ang nasabing pondo ng ahensya para sa proteksyon ng bikers.

“In the 2024 General Appropriations Law, we bumped up to P1 billion the budget for bicycle lanes with durable physical separation from mixed traffic lanes,” ayon sa mambabatas lalo na’t may problema pa aniya sa transportasyon.

Doble aniya ang halagang ito sa P500 million sa budget proposal ng Department of Budget and Management (DBM) sa ilalim ng 2024 national budget.

“This is our way of reassuring Filipinos that cycling is a sustainable alternative mode of mobility,” dagdag pa ng mambabatas dahil bukod sa maganda aniya ito sa kalusugan ng mga tao ay malaking tulong ito para makatipid sa pamasahe.

Unang pinondohan ang nasabing proyekto noong 2022 ng P2 billion at panibagong P705 million noong 2023.

Dahil dito, nakapagtayo na ng 564 kilometrong bicycle lanes sa Metro Manila, Metro Cebu at Metro Davao hanggang noong June 2023 subalit malayo pa ito sa target na 2,400 kilometro pagdating ng taong 2028.

Hindi lamang umano bike lanes sa mga highly urbanized city at independent component cities ang paggagamitan ng nasabing pondo kundi sa kontruksyon ng pedestrians walkways upang maproteksyunan din ang mga nais maglakad imbes na sumakay.

(BERNARD TAGUINOD)

210

Related posts

Leave a Comment