KAMARA TUMIKLOP SA MILITARY GENERALS

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

MISTULANG kinantyawan ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang liderato ni House Speaker Martin Romualdez sa pagsasabing ang manifesto ng mga alumni ng Philippine Military Academy (PMA) ang dahilan kaya pinalaya sina Jeffrey Celiz at Lorraine Badoy.

Matatandaang ikinulong ang dalawang host ng Sonshine Media Network International (SMNI) sa Batasan Pambansa Complex matapos ma-contempt.

Sa isang video na pinost sa social media nitong Disyembre, nagsalita si Duterte na inaasahan na niyang magre-react ang mga retiradong sundalo sa nangyari kina Badoy at Celiz.

Ang reaksyon aniya ng mga dating sundalo ang dahilan kaya pinalaya ng Kamara ang dalawa.

Sinabi pa ng dating presidente na natakot ang Kamara at hindi ang petisyon na inihain ng pamilya nina Celiz at Badoy para sa habeas corpus ang dahilan kaya pinakawalan ang mga ito.

Ayon kay Duterte, matagal bago madesisyunan ng Korte Suprema ang habeas corpus kaya malabong ito ang dahilan ng pagbabago ng isip ng Kamara.

Ngunit para naman sa ilang observer, ang contempt na ipinataw ng Kamara kina Celiz at Badoy ay hindi naglalayon ng matagalang pagkakulong sa Batasan dahil malinaw na tinuruan lamang ng leksyon ang dalawa.

Matatandaang ikinulong ng House of Representatives sina Celiz at Badoy noong Disyembre 5 habang dinidinig ng House panel ang usapin sa prangkisa ng SMNI.

Naunang na-contempt si Celiz dahil sa pagtangging pangalanan ang kanyang source hinggil sa P1.8 billion travel expenses umano ni House Speaker Martin Romualdez.

Kinabukasan, ipinakulong din ng mga miyembro ng House committee on legislative franchises si Badoy dahil umano sa pagsisinungaling.

331

Related posts

Leave a Comment