DISMAYADO ang grupo ng mga mangingisda sa P489.6 milyon na inilaan ng Department of Agriculture (DA) para sa fuel subsidy.
Itinuring nilang ‘patak lang sa karagatan’ ang ayuda kumpara sa lawak ng epekto ng pinagsama-samang pagtaas ng presyo ng langis sa sektor ng pangingisda.
Ayon sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA), ang mabebenepisyuhan lamang ng fuel assistance ay nasa 137,448 na 5% lamang umano ito ng mahigit 2.7 million rehistradong mangingisda sa buong bansa.
“Bukod sa mababang halaga ng fuel subsidy na P3,000 ay napakaliit na porsyento lamang ng rehistradong mangingisda ang mabibigyan. Sa magkakasunod na taas-presyo ng mababang petrolyo, lahat ng mangingisda ay apektado ang kabuhayan. 80% ng gastusin ng mangingisda sa produksyon ay napupunta lamang sa gastos sa gasolina o krudo,” ayon sa grupo.
Sa kabila ng kapiranggot na ayuda sa kanilang sektor ay pinuna ng grupo ang mahigit isang bilyong pondo ng administrasyong Marcos para sa gastusin sa biyahe nito sa ibang bansa ngayong taon.
Naninindigan ang PAMALAKAYA na hindi bababa sa P15,000 ang subsidyo sa produksyon na kailangan ng bawat mangingisda at magsasaka para makaagapay sa tumataas na gastos sa produksyon.
(PAOLO SANTOS)
232