SA wakas nabura na ang takot sa isipan ng libo-libong mga residente ng Bulacan malapit sa Angat Dam at kalapit na mga bayan nang ipahayag ng National Irrigation Administration na napalitan na nila ang kinatatakutang defective rubber gate ng dam na maaaring magdala ng delubyo sa lalawigan.
Ayon sa NIA, naikabit na nila ang bagong Rubber Gate No. 5 sa Angat Afterbay Regulator Dam na mas kilala bilang Bustos Dam, isang river type of dam na nasa Barangay Tibagan, Bustos, Bulacan.
Pinangunahan ni NIA OIC Deputy Administrator for Engineering and Operations Sector at kasalukuyang NIA Region III Manager Engr. Josephine B. Salazar, ang pagpapalit sa lumang gate kasunod ng ginawang “inflation and leak testing” para matiyak ang integrity ng newly-installed rubber gate.
Tiniyak ng NIA na walang gastos ang pamahalaan sa nasabing pagpapalit ng gate na matagal nang inirereklamo ng natatakot na mga residente dahil depektibo umano ang inilagay ng Chinese contractor.
“ITP Construction, Inc. – Guangxi Hydroelectric Construction Bureau Co., Ltd. Consortium (Contractor) replaced the defective rubber gate without any cost to NIA. The five (5) other rubber gates were further inspected to secure its structural integrity,” ayon sa pamunuan ng patubigan.
Sinasabing matapos na ma-report ang damage sa Rubber Gate No. 5 noong 2020, nagsagawa na ng serye ng pagkilos ang NIA sa pakikipag-ugnayan sa Local Government Unit, Provincial Government of Bulacan, at sa kanilang Irrigators Association (IA) para matugunan ang posibleng kakaharaping mga problema bunsod ng depektibong rubber gate.
Habang tinitiyak din ng ahensiya na tuloy-tuloy ang patubig sa mga bukirin at hindi maging sagwil sa pagtatanim ng mga magsasaka sa mga lalawigan ng Bulacan at Pampanga.
Nabatid na ang Bustos Dam (Angat Afterbay Regulator Dam) ay itinayo noong 1926, na isang concrete weir type at inayos noong 1967 sa pamamagitan ng paglalagay ng steel sector gates at dinagdagan pa ang taas nito. At taong 1997, sinimulan ang rehabilitation nito sa pamamagitan ng paglalagay ng rubber gates kapalit ng mga lumang steel gates gamit ang ipinagkaloob na pinansyal na tulong ng Japan.
(JESSE KABEL)
310