PATAY ang ABC president ng Isabela City sa Basilan matapos pasukin at pagbabarilin sa hotel ng hindi kilalang mga suspek sa Zamboanga City noong Linggo ng gabi.
Kinilala ng Zamboanga City Police ang biktimang si Franklyn Galos Tan, chairman ng Barangay Seaside, at ABC president ng Isabela City, Basilan.
Sugatan naman ang isa pang kapitan na si Jaider Jundam, Punong Barangay ng Kaumpurnah, Zone 1, habang hindi naman tinamaan ang kasama nilang isa pang kapitan na si Daryl Jalani, Punong Barangay ng Kaumpurnah, Zone 3.
Ayon sa initial report ng Zamboanga City PNP, nangyari ang pamamaril sa Puerta del Ciudad Hotel sa Nuñez Ext. sa nasabing lungsod pasado alas-9:00 ng gabi.
Sinasabing nasa loob ng nasabing hotel sa Zamboanga City ang mga barangay chairman ng Isabela City, Basilan para sa isang aktibidad at nasa lobby ang tatlo nang biglang pumasok ang dalawang gunmen at pinaputukan ang mga ito.
Nakatakbo palabas ng hotel ang tatlo subalit inabot ng bala ang dalawa.
Isinugod sa ospital ang dalawang subalit nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas si Tan.
Patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam ng mga awtoridad ang motibo at ang pagkakakilanlan ng mga suspek sa insidente.
Samantala, mariing kinondena ni Basilan Rep. Mujiv Hataman ang pagpatay sa presidente ng Association of Barangay Captains (ABC) sa Basilan noong linggo ng gabi sa Zamboanga City kasabay ng hamon sa mga awtoridad na panagutin ang mga suspek kasama na ang mastermind sa nasabing krimen.
“Mariin nating kinukondena ang pagpatay kay Kapitan Franklyn at ang pagkapinsala kay Barangay Captain Jaider Jundam. Kahit kailan, kahit saan, walang puwang ang karahasan sa isang mapayapa at demokratikong lipunan. Walang justification ang pagkitil ng buhay,” ani Hataman.
(NILOU DEL CARMEN/BERNARD TAGUINOD)
