NABABAHALA ang isang dating inhinyero ng gobyerno sa mga umano’y iregularidad sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na may kinalaman sa paglilipat ng pondo para sa kanilang big-ticket infrastructure projects patungo sa maliliit at umano’y ‘irrelevant’ na infrastructure projects.
Sa tatlong pahinang complaint letter addressed kay Pangulong Bongbong Marcos, sinabi ni dating government engineer David de Guzman na ilang pondo na orihinal na itinalaga para sa multi-bilyong pisong proyekto na pinondohan sa ilalim ng foreign assisted programs, ay isinantabi ng DPWH at hindi inilaan para sa orihinal na layunin nito.
Ginawa ni De Guzman ang pahayag matapos ilantad ng isang mambabatas noong nakaraang taon ang umano’y fund manipulation o ang tinatawag na “parking of funds” sa mga ahensya ng gobyerno bago pa man isumite ang budget sa Kongreso.
Sinabi ni De Guzman na posibleng may sindikato sa likod ng ilegal na pag-realign ng bilyon-bilyong piso sa pondo sa DPWH.
Ikinalungkot niya na nananatili aniyang puno ng katiwalian ang DPWH, at karamihan sa mga proyekto nito ay baon sa red tape.
Ang DPWH, na inatasang magkaloob at mangasiwa sa de kalidad na infrastructure facilities at services na responsive sa pangangailangan ng mga Pinoy, ay nahaharap sa matinding kritisismo dahil sa lapses sa pamamahala sa mga naturang proyekto.
Aniya pa, ang kakulangan ng proper monitoring at superbisyon ay hindi lamang naglalagay sa alanganin sa kaligtasan ng publiko, kundi nagiging banta rin na maaksaya ang pondo at resources ng gobyerno.
Matatandaang una nang pinuna ni dating Senator Panfilo Lacson ang DPWH dahil sa pagtapyas sa pondo para sa national projects habang ang mga lokal na proyekto ay pinagkakalooban ng karagdagang pondo, na aniya ay hindi akma o naayon sa budget theme ng gobyerno na ‘Reset, Rebound, and Recover.’
Anang dating senador, hindi dapat magsagawa ang DPWH ng pag-divert sa kanilang pondo.
Samantala, dumarami rin ang panawagan para sa lifestyle checks sa lahat ng DPWH officials, gayundin ang panawagan sa imbestigasyon para sa isyu sa pondo ng DPWH.
Itinuturing na isang open secret na ilang corrupt DPWH officials ang humihingi ng komisyon o “kickback” mula sa mga contractor, na sinasabing siya umanong rason kung bakit ang panukalang pondo para sa departamento ay nagiging “mangled beyond recognition” dahil ito ay puno ng ‘lump sum appropriations.’
236