‘KASUNDUAN’ NG PINAS AT CHINA SA AYUNGIN SHOAL BUBUSISIIN

NAGHAIN ng resolusyon ang Makabayan bloc sa Kamara upang imbestigahan ang umano’y kasunduan ng Pilipinas at China na tanggalin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Sa House Resolution (HR) 1216 na inakda ng Makabayan bloc, inaatasan ng mga ito ang mga kaukulang komite sa Mababang Kapulungan upang malaman kung totoo o hindi ang kasunduang ito.

“On August 7, 2023, China’s Foreign Ministry claimed that the Philippines promised several times to tow away BRP Sierra Madre from Ayungin Shoal,” ayon sa nasabing resolusyon.

Pawang itinanggi nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at Joseph “Erap” Estrada na meron silang kasunduang pinasok sa China.

Lalong malabo umano na si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang nakipagkasundo sa China dahil siya ang naghain ng kaso sa Permanent Court of Arbitration laban sa nasabing bansa na ipinanalo ng Pilipinas.

“It is only former President Rodrigo Duterte who is yet to release a statement regarding the claim,” ayon pa sa resolusyon.

Gayunpaman, hanggang ngayon ay hindi naglalabas ng ebidensya ang China kaugnay ng sinasabing kasunduan.

“IF there is indeed truthfulness to the claim, Congress, as representatives of the people, should identify the traitors in the Philippine government that compromised our sovereign and territorial integrity, and joint the call to punish him/her/them according to law,” bahagi pa ng resolusyon.

Samantala, iminungkahi ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa Department of National Defense (DND) na maglagay ng EDCA o Enhanced Defense Cooperation Agreement sa Eastern Seaboard upang mabantayan ang Benham Rise na tinatarget din ngayon ng China.

(BERNARD TAGUINOD)

119

Related posts

Leave a Comment