DUDA ang isang mambabatas sa survey na isinagawa umano ng Tangere na mayorya sa mga Pilipino ay sumusuporta sa economic Charter change (Cha-cha) na ipinasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sa survey na ipinagmalaki ng mga lider ng Kamara, 54% umano sa mga Pilipino ay suportado ang Cha-cha kaya lalong ginaganahan ang mga ito na isulong ang pag-amyenda sa Saligang Batas.
Nagduda si Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel dahil mobile-based application ang ginamit sa survey.
“Such a method makes the survey vulnerable to taking in responses from people other than those who are intended to be part of the survey’s target respondents,” paliwanag pa ng mambabatas mula sa Makabayan bloc.
Naniniwala ang mambabatas na posibleng pakana ng mga desperadong grupo ang ganitong sistema ng survey para ikondisyon ang isip lalo na’t wala pang kasiguraduhan na magtatagumpay ang Kamara sa kanilang Cha-cha.
Bago nagbakasyon ang Kongreso ay pinagtibay nito ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 7 o economic Cha-cha subalit hindi pa tapos ang Senado sa pagdinig sa kanilang RBH No. 6.
“We also warn against a seemingly coordinated attempt to manufacture people’s preferences and create the illusion that Filipinos are thirsty for charter change. By letting this pass, we allow propaganda and misleading numbers to distort the people’s will, staining the integrity of future plebiscites or referenda on any revision to the constitution,” ayon pa kay Manuel.
Dapat aniyang alalahanin ng lahat na kuwestiyonable ang prosesong ginawa ng Kamara sa pag-apruba sa RBH No. 7 dahil wala sa Saligang Batas kaya isang desperadong hakbang aniya ang survey.
“Di rin madaling lumusot ang petisyon na sa totoo ay Politicians’ Initiative. Dagdag pa, di hinahanap ng publiko ang Cha-cha bilang solusyon sa inflation at mababang sahod. No wonder, abala ang mga pro-Cha-cha na lumikha ng ilusyong suportado ng bayan ang Cha-cha!” patutsada pa ni Manuel.
(BERNARD TAGUINOD)
236