KINUKUMPIRMA pa ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang ulat na isang Pilipino ang umano’y nasawi sa digmaan sa Ukraine habang nakikipaglaban sa panig ng Russian forces.
Batay sa ulat ng Ukraine Military Intelligence (HUR), ang napatay ay kinilalang si John Patrick, na umano’y nasawi sa labanan sa Kramatorsk District, Donetsk Region. Ayon sa HUR, kabilang umano siya sa 9th Battalion, 283rd Regiment, 144th Motorized Rifle Division ng 20th Combined Arms Army ng Russia.
Sinabi ng DFA na patuloy pa nilang inaalam ang lahat ng detalye at beripikasyon kaugnay sa pagkakakilanlan at nasyonalidad ng nasabing indibidwal. Wala pa umanong opisyal na kumpirmasyon sa ngayon.
Inilarawan ng Ukraine Military Intelligence na ang nasabing Pilipino, tulad ng iba pang dayuhang mandirigma, ay nasawi sa tinawag nilang “meat assault”—isang uri ng opensiba na may napakataas na casualty rate laban sa mga posisyon ng Ukrainian forces.
Tumanggi namang magbigay ng pinal na komento ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay sa ulat sa sinasabing Filipino mercenary.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, nakarating na sa kanila ang impormasyong nagmumula sa Ukrainian defense sources ngunit ito ay dumaraan pa sa masusing beripikasyon.
“At this point, the information is still being validated through proper channels,” ani Col. Padilla.
Dagdag pa niya, hindi umaasa ang AFP sa third-party battlefield reports lamang upang kumpirmahin ang pagkakakilanlan o nasyonalidad ng isang taong sangkot sa digmaan sa ibang bansa.
Ayon naman sa Kyiv Post, inanunsyo umano ng HUR nitong Lunes na isang Pilipino na nakikipaglaban kasama ang Russian forces ang napatay malapit sa bayan ng Novoselova sa Donetsk region.
“We are coordinating with relevant government agencies and official counterparts to verify the details. Until such verification is completed, it would be premature to confirm or deny the report. As a matter of policy, we deal in confirmed facts — not unverified claims,” dagdag ni Col. Padilla.
Ang digmaan ng Russia at Ukraine ay nagsimula noong Pebrero 2022 at itinuturing na pinakamalalang armadong tunggalian sa Europa mula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
(CHAI JULIAN/JESSE RUIZ)
1
