NASUNOG ang isang motor yacht habang nasa karagatan ng Tingloy, Batangas nitong Enero 27, dahilan upang agad rumesponde ang Philippine Coast Guard District Southern Tagalog (CGDSTL).
Ala-7:00 ng umaga nang makatanggap ng ulat ang CGDSTL mula sa Coast Guard Sea Marshal Unit–Southern Tagalog na sakay ng isang dumadaang passenger vessel, matapos mamataan ang makapal na usok at apoy mula sa Motor Yacht (M/Y) Allusive.
Kaagad na ipinatupad ng CGDSTL ang mga emergency response procedures para tugunan ang insidente.
Batay sa paunang impormasyon, ang M/Y Allusive, kasama ang convoy vessel nitong M/Y Neptimus 3, ay bumiyahe mula Puerto Galera patungong Punta Fuego, Nasugbu, Batangas upang lumahok sa isang yacht sailing event.
Habang nasa biyahe, nagkasunog sa M/Y Allusive na pinaniniwalaang nagsimula sa engine room, posibleng dahil sa electrical failure, na patuloy pang iniimbestigahan.
Agad na inilikas ang pitong Pilipinong crew at nailigtas sa tulong ng M/Y Neptimus 3.
Ang nasunog na yate ay hinila patungo sa dalampasigan at kinumpirmang hindi nagdulot ng panganib sa paglalayag sa lugar.
Dinala naman sa Batangas Port ang mga nailigtas na crew para sa medical examination. Walang naiulat na nasugatan sa insidente.
(JOCELYN DOMENDEN)
1
