WALANG maritime incident na naitala sa mga pantalan noong Semana Santa habang nagbabalik na sa Metro Manila ang mga manlalakbay nitong Linggo ng Pagkabuhay, ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon kay PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, bagama’t bumuhos ang ulan sa ilang bahagi ng bansa noong nakaraang mga araw, nanatiling kalmado ang dagat.
Gayunman, sinabi ni Balilo na hindi pa rin nagpaka-kampante ang PCG at ginawa ang lahat ng security measures para makauwi nang maayos ang mga kababayan at walang maitalang maritime accidents.
Sa kabuuan, nasa 173,000 outbound passengers ang nasubaybayan ng PCG habang 152,000 nito ay mula lamang sa talaan noong Sabado. Aniya, ang naturang bilang ay maaari pang madagdagan sa mga susunod na oras.
Sinabi ni Balilo, nakaranas ng bahagyang pagkaantala ng biyahe sa ilang mga pantalan ngunit nanatiling napapamahalaan ang mga ito.
Wala namang naglayag na sasakyang pandagat na overload sa pasahero at bagahe noong Holy week, ayon pa sa PCG.
Sa pagtatapos ng paggunita ng Semana Santa, sinabi ni Balilo na gagaan na ang heightened alert ng PCG ngayong Lunes, Abril 1.
(JOCELYN DOMENDEN)
109