TARA SCHEME SA CUSTOMS PORT PINABUBUSISI

LINAWIN NATIN ni ARDEE DELLOMAS

NABUNYAG ang umano’y Tara Scheme sa isang port ng Bureau of Customs.

Ang “tara” system ay uri ng bribery scheme kung saan ang mga importer at broker ay nagbabayad ng fix, under-the-table bribes sa Customs officials para makalusot ang kanilang mga produkto at mas mapabilis ang proseso ng shipments kahit hindi nagbabayad ng tamang buwis at import duties.

Dahil sa alegasyon, nalalagay ngayon sa alanganin ang District Collector ng nasabing port bunsod ng umano’y pagkakasangkot sa “tara” system.

Sinabi rin sa ulat na dati nang sangkot sa ganitong uri ng scheme ang Customs official kahit bago pa siya maitalaga bilang district collector sa nasabing port.

May ganitong alegasyon na rin laban sa kanya noong panahong siya ay nakaupo sa pinanggalingan niyang dalawang port.

Noong November 2025, kasama ang nasabing Customs official sa naapektuhan ng iniutos na personnel reshuffle ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno sa ikinasa nitong intensified anti-corruption and anti-smuggling operation sa ahensya.

Ayon sa source, ang trusted staff umano ng District Collector ang tagakolekta ng P10,000 hanggang P100,000 kada container depende sa laman o uri ng kargamento.

Umaabot umano sa milyon-milyon kada buwan ang koleksyon sa Tara System.

Umaabot sa 300 containers ang average kada araw kaya kung susumahin, nasa P15 million per week o P60 million kada buwan ang koleksyon ng grupo nito.

Hindi na bago ang alegasyon ng misconduct sa nasabing opisyal.

Ngunit sinasabing malakas ito kay Finance Secretary Frederick Go kaya nanatili sa kanyang pwesto.

Tila nalulusutan si BOC Commissioner Ariel Nepomuceno ng kolektor na ito o lumalabas na patuloy pa rin ang korupsyon sa ahensya sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Kamakailan ay kinasuhan sa Office of the Ombudsman ang nabanggit na District Collector dahil sa iregularidad sa pagawaan ng sigarilyo.

Kabilang sa isinampang kaso ang unauthorized use o forgery of official seals, stamps, and signatures on clearance documents.

Ayon sa reklamo, posibleng nilabag ng Customs official ang Revised Penal Code partikular ang Article 161 (forgery of the seal of the Government), Article 171 (falsification by a public officer), at Article 172 (falsification and use of falsified documents).

Posible ring mapanagot siya sa kasong paglabag sa Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) Sections 1401 (unlawful importation or exportation through fraudulent documents) at 1424 (export misdeclaration involving forged stamps to evade duties or regulations).

130

Related posts

Leave a Comment