BATAS SA MAHIHIRAP, PRIBILEHIYO SA POWERFUL?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

HINDI na bago sa Pilipinas ang dalawang mukha ng hustisya—isa para sa mahihirap at isa para sa makapangyarihan. Pero sa bawat pagkakataong lantaran itong nakikita ng publiko, lalong lumalalim ang sugat ng kawalan ng tiwala sa sistema ng batas ng bansa.

Kaya hindi nakapagtatakang napa-“Sana all” si Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno matapos ihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kamakailan na binibigyan nito ng opsyon si Senador Jinggoy Estrada kung siya ba ay kusang susuko o aarestuhin kaugnay ng warrant of arrest at hold departure order na inilabas ng Sandiganbayan Second Division para sa kasong graft at plunder.

Kung ihahambing ito sa karanasan ng karaniwang Pilipino, makikita mo ang malaking agwat. Kapag ordinaryong mamamayan ang sinasabing may pagkakasala ay agad hinahatak, pinoposasan, at ikinukulong kahit sa maliliit na paglabag, o kung minsan ay dahil lamang sa maling hinala. Samantalang ang mga makapangyarihang personalidad ay tila binibigyan pa ng panahon, konsiderasyon, at “pagpipilian.”

Tama ang punto ni Diokno nang sabihin niyang, “Yung ordinaryong Pilipino, walang option.” Totoo naman. Kailan ba nagkaroon ng pagkakataon ang isang maralitang vendor, drayber, o matandang namamalimos na pinapili kung nais ba nilang sumuko o hintaying dakpin? Kailan naging mahinahon at maingat ang pagpapatupad ng batas kapag mahirap ang kaharap?

Habang noon ay binibigyan ng pagkakataong makapagnilay si Estrada, sa Cebu ay may isang matandang lalaki na dinakip at ikinulong dahil umano sa pamamalimos. Isang lolo na marahil ay biktima lamang ng kahirapan at kapabayaan ng lipunan, ngunit mabilis na nahatulan sa mata ng batas. Samantalang sa mga kasong kinasasangkutan ng milyon-milyong piso ng kaban ng bayan, tila may “VIP treatment” na hindi maipaliwanag.

Hindi naman isyu rito kung may karapatan bang magpiyansa si Estrada o sundin ang due process. Karapatan iyon ng bawat akusado. Ang nakikita ng publiko ay ang tila eksklusibong naipararamdam ang dignidad ng proseso sa mga may pangalan, kapangyarihan, at koneksyon.

Oo, “pantay-pantay ang lahat sa ilalim ng batas,” pero ang nakikita ngayon ay mas mabigat pa ring bumagsak ang kamay ng hustisya sa mahihirap. Bakit may mamamayang agad inuusig samantalang ang iba ay tila inaabutan pa ng paanyayang makipag-ayos?

Sa ganitong uri ng dobleng pamantayan, lalong nabubuo ang paniniwalang ang batas sa Pilipinas ay hindi tunay na bulag. Wala itong piring dahil nakikita nito kung sino ang mahirap at kung sino ang makapangyarihan.

Kaya hanggang may special treatment, may VIP lane, may batas na para lang sa mahihirap, mananatiling mailap ang tunay na hustisya para sa nakararaming Pilipino.

121

Related posts

Leave a Comment