NBI TEAM NAGMUKHANG ‘KENKOY’ SA TIMOR LESTE?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NAGING kahiya-hiya at nagmistulang mga “kenkoy” raw ang kinalabasan ng grupo ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagtungo sa Timor Leste matapos malaman nila na naaresto na si Cong. Arnolfo “Arnie” Teves sa nasabing bansa.

Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, lead counsel ni Cong. Teves, nagtungo siya sa Timor Leste nitong nakaraang Marso 28 hanggang 30 para dalawin niya ang kanyang kliyente (Teves).

Maayos naman daw ang kalagayan ng kongresista dahil magagalang naman ang mga awtoridad sa Timor Leste.

Nadismaya nga lang siya nang malaman niya na kinainisan daw ng mga awtoridad sa Timor Leste ang pagiging arogante at very demanding ng grupo ng NBI na nagtungo sa nabanggit na bansa.

Nais daw kasi ng grupo ng NBI na nagtungo sa bansang ito na agad-agad ibigay sa kanilang kustodiya si Teves mula sa Timor Leste authorities.

Sabi tuloy sa kanila (NBI) ng Timor Leste authorities, ang bansang pinuntahan nila ay Timor Leste, hindi Pilipinas, kaya kailangan nilang sumunod sa batas doon.

Ayon pa raw sa mga awtoridad doon, dahil maliit lang silang bansa at kailan lang sila naging independent ay basta-basta na lang silang babastusin ng mga opisyal ng ibang bansa.

Ikinadismaya rin daw ng Timor Leste authorities na nagsalita si NBI Director Medardo de Lemos in behalf sa kanilang Presidente na si Jose Ramos-Horta.

Sinabi pa ni Atty. Topacio, hindi tama na magsasalita si Dir. de Lemos sa usapin ng presidente ng ibang bansa dahil hindi ganyan ang protocol.

Aniya, dapat hinayaan na magsalita ni De Lemos ang director ng media o tagapagsalita ni President Horta, at hindi siya.

Iginiit din ni Atty. Topacio na hindi inaresto si Cong. Teves dahil may nilabag siyang batas sa Timor Leste kundi dahil sa red notice ng Interpol na hiniling ng mga nais magpabagsak sa kanyang kliyente.

Ayon pa kay Atty. Topacio, kung normal lang ang sitwasyon ay nakalaya na si Cong. Teves dahil wala na lahat ang mga testigo laban sa kanya sapagkat nagsiatrasan na ang mga ito.

Aniya pa, sinabi rin sa kanya ng ilang awtoridad sa Timor Leste, na ang pagnanais na agad na mai-deport pabalik sa Pilipinas si Cong. Teves ay lalo pang naging malabo dahil sa ginawa ng grupo ng NBI na nagtungo sa Timor Leste. Wala rin daw extradition treaty ang Pilipinas at ang Timor Leste.

Para hindi mapahiya ang grupo ng NBI na nagtungo sa Timor Leste, sinabi nilang kaya sila nagpunta roon ay para alamin lang daw kung si Cong. Teves nga ang naaresto sa nabanggit na bansa.

Kung gusto niyo lang malaman na si Cong. Teves nga ang naaresto, dapat sinabi niyo sa consul ng Pilipinas sa Dili, Timor Leste na sila ang tumingin para kumpirmahin na si Teves nga ang naaresto, pahayag pa ni Atty. Topacio.

Sa ginawa niyong ‘yan ay gumastos lang ang Pilipinas, dagdag pa ni Topacio.

Sa sinabi naman ni Misis Degamo na gusto niyang magtungo sa Timor Leste para makita niyang nakakulong si Cong. Teves, ay welcome naman siya roon, ‘yun nga lang ay hindi siya papayagan ng mga awtoridad doon dahil hindi naman siya kasama sa listahan na maaaring dumalaw sa mambabatas.

Ay naku! Sabi tuloy ni Atty. Topacio, sa inyo ang DOJ, sa inyo ang pulis, sa inyo ang NBI, bilog ang mundo, hindi habambuhay na kayo ang nandyan, nasa kalahati na ng termino si Pangulong BBM.

Mensahe pa ni Atty. Topacia sa mga awtoridad ng Pilipinas, sundin ang proseso ng ibang bansa nang hindi kayo napapahiya at nakahihiya ang Pilipinas sa international community.

Bato-bato sa langit, ang tamaan ay ‘wag magagalit, trabaho lang, walang personalan.

oOo

Para sa sumbong mag-email sa joel2amongo@yahoo.com.

166

Related posts

Leave a Comment