THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
NITONG nakaraang Abril hanggang Hunyo, naranasan sa buong Luzon ang tinatawag na Yellow at Red Alerts na ibig sabihin ay manipis o kulang ang suplay ng kuryente kaya may posibilidad na magkaroon ng power interruptions o brownouts.
Halos hindi na tumigil ang mga miyembro ng energy industry kasama ang Department of Energy at ang Meralco, ang pinakamalaking distribyutor sa bansa, sa pagpapaalala sa mga konsyumer na maging masinop sa paggamit ng kuryente para makontrol ang demand at mapagkasya ang suplay.
Hindi naiwasan na may mga araw na nawawalan ng kuryente hindi lamang sa Metro Manila, kundi maging sa iba pang probinsya sa Luzon. Nakatulong naman noon itong tinatawag na Interruptible Load Program (ILP) ng gobyerno na ipinatupad ng Meralco sa service area nito kaya hindi nagkaroon ng malawakang brownout. Pero talagang naging matinding pagsubok ang kasapatan ng suplay ng mga buwang iyon.
Kailangan naman kasi talaga natin ng karagdagang suplay. Bukod sa alam naman natin na matindi talaga ang epekto ng El Nino at tumataas naman talaga ang demand kapag tag-init, hindi rin naman kasi tumitigil ang paglago ng ekonomiya lalo na’t nakabangon na tayo mula sa pandemya.
Kasabay ng pag-usad at pag-unlad, kailangan natin ng karagdagang suplay ng kuryente para suportahan ang ating ekonomiya. Ang tanong, nadadagdagan ba talaga? Halos wala nang nababalitang malalaking planta na pumapasok para magbigay ng bagong suplay. At sa kabila ng panawagang magpasok pa ng mga bagong kapasidad na pupuno sa lumalaking demand, tila ba kulang pa rin at malayo pa tayo sa komportableng lebel.
Tapos nandiyan pa rin ang usapin sa singil sa kuryente, na kailangan naman talagang gawan ng paraan.
Kasama sa mandato ng mga distribyutor ng kuryente sa bansa kagaya ng Meralco, ang pagsigurong mayroong sapat at maaasahang serbisyo ng kuryente sa pinakamurang halaga. Kaya nga obligasyon ng aspetong ito ng energy supply chain, ang pangongontrata sa generation companies habang maaga pa para naman hindi sila nagkukumahog pagdating ng panahon na andyan na ang demand.
Taun-taon, nagpapasa ang mga distribyutor ng kuryente ng plano kung saan nakadetalye kung gaano kataas ang demand na inaasahan nila sa susunod na mga taon, at kung gaano karaming suplay ang kailangan nilang kunin para mapunan ang demand.
Kaya nga dito rin pumapasok itong polisiya ng pamahalaan na magsagawa ng bidding o ‘yung tinatawag na Competitive Selection Process (CSP) para matiyak na hindi magkakaproblema ang konsyumer pagdating sa suplay, at maibibigay ito sa kanila sa pinakamurang halaga.
Maganda naman ang intensyon ng CSP at sumusunod naman dito ang mga distribyutor ng kuryente.
Nasisiguro nito na mayroong kumpetisyon dahil ang nananalo sa bidding ay ang may pinakamurang alok. Hindi pa nga sa bidding natatapos dahil nirerebyu pa rin ‘yan ng Energy Regulatory Commission bago magsimula ang kontrata para masigurong patas ang sisingilin sa mga konsyumer.
Kaya nga imbis na batikusin, kailangang suportahan ang mga ganitong inisyatibang makabubuti sa publiko. Mayroong mga naglalabas ng hindi totoong alegasyon na mayroon daw pinapaboran ang mga ganitong bidding, pero wala namang naririnig sa mga supplier na sumasali mismo sa bidding.
Ang maganda nga rito, kapag mas maraming sumasali, siguradong pababaan ng presyo. Siyempre ang mahal matatalo. Pero hindi naman na problema ng konsyumer ‘yan. Sa katunayan, isa ‘yang challenge sa mga supplier na siguruhing kaya nilang makipagkompetensya sa iba pang supplier.
Kaya huwag maniwala sa mga propaganda na naglalayong magkaroon ng kontrata at siguradong kita iyong mga hindi kayang magbenta ng kuryente sa murang halaga.
Basta doon lang tayo sa tama at pinakamakikinabang ang mga konsyumer.
179