PNP TINUTUGIS MGA NAGKANLONG KAY QUIBOLOY

SINIMULAN na ng Philippine National Police (PNP) ang mga hakbang para mapanagot ang mga tao o grupong nagkanlong at tumulong kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy at mga kapwa akusado nito para makaiwas sa inilunsad na law enforcement operation.

Sa ulat, inumpisahan na rin ng PNP ang masusing imbestigasyon para papanagutin ang mga taong nagkanlong sa self-appointed son of God.

Sinasabing kaugnay ito sa nakatakdang pagsasampa ng kasong obstruction of justice ng PNP laban sa mga tumulong sa grupo ng KOJC leader.

Una nang inihayag ni PNP Chief General Rommel Francisco Marbil, imposibleng makapagtago si Quiboloy nang walang tulong mula sa malalapit na tao sa kanya at legal representatives na sadyang iniligaw umano ang PNP sa kinaroroonan nito.

Inatasan din ni Gen. Marbil si Criminal Investigation and Detection Group director MGen. Leo Francisco na pangunahan ang pangangalap ng mga ebidensya upang positibong makilala ang mga nagtago kay Quiboloy.

Si Quiboloy, nahaharap sa mga kasong child sexual abuse at qualified human trafficking at apat na kapwa akusado nito ay hawak na ng mga awtoridad matapos sumuko noong September 8. (JESSE KABEL RUIZ)

191

Related posts

Leave a Comment