NAKAPAGSASALITA ng ‘Tagalog at Bisaya’ ang negosyanteng si Tony Yang, kilala rin bilang Yang Jian Xin at Antonio Lim.
Kinumpirma ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesperson Dr. Winston Casio na si Yang ay nakapagsasalita ng “good Tagalog and a little bit of Bisaya” nang tanungin ukol sa sinasabing video ni Yang na nakikipag-usap sa mga awtoridad sa lengguwaheng Tagalog nang maaresto ang huli noong nakaraang linggo sa Maynila.
“Marunong po talaga siya. Hindi lang kasing tatas nung pag Pilipino, pero talagang marunong siyang mag-Tagalog at saka nakakaintindi. At maging ng Bisaya, marunong din nang kaunti,” ang sinabi ni Casio sa isang panayam.
Sa kamakailan lamang na isinagawang Senate hearing, isang interpreter ang naka-alalay para kay Yang, panganay na kapatid ni dating presidential economic adviser Michael Yang.
At nang tanungin kung hindi pa nito kaya na magsalita ng Tagalog sa kabila na pananatili sa bansa sa loob ng 26 na taon, sinabi ni Yang na “Tagalog, Bisaya, onti onti.”
Sa naturang pagdinig pa rin, inamin ni Yang na siya ay isang Chinese citizen na ipinanganak sa Tsina. Tinulungan siya ng kanyang lolo na makakuha ng birth certificate at ginawa ito para sa “convenience for business” sa Pilipinas.
Sinabi ni Casio, ang Bureau of Immigration (BI) ang may legal custody kay Yang habang ang PAOCC naman ang may physical custody rito.
Binigyang diin ni Casio na ang dayuhan na kinasuhan ng immigration violations ay maaaring manatili sa mga pasilidad sa bansa ng ‘indefinite.’
Sinabi ng BI na mayroong nakabinbing deportation case si Yang para sa ‘misrepresentation at undesirability’ na nakahain sa bureau. (CHRISTIAN DALE)
118