SINIBAK ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa makapangyarihan Commission on Appointment (CA) si Sagip party-list Rep. Rodante Marcoleta.
Sa huling sesyon ng Kamara noong Miyerkoles ng gabi, ininominate ni House deputy majority leader at Iloilo City Rep. Jam Baronda si Manila Teachers party-list Rep. Virgilio Lacson bilang kapalit ni Marcoleta sa CA.
Si Marcoleta ay kilalang kaalyado ni Vice President Sara Duterte na kanyang ipinaglaban sa budget hearing ng Office of the Vice President (OVP) dahil hindi umano sinusunod ng Kamara ang tradisyon na hindi na dapat kinakalkal ang budget ng pangalawang pangulo.
Ang CA na binubuo ng 12 senador at 12 kongresista ang nagdedesisyon kung aaprubahan ang appointment ng mga Cabinet members, mga Ambassadors at pagtataas sa ranggo ng miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Bukod sa tinanggal din si Marcoleta bilang miyembro ng House committee on energy, justice, public accounts at constitutional amendments at ipinalit sa kanya si Lacson.
Unang tinanggal bilang vice chairman ng House committee on good government and public accountability na siyang nag-iimbestiga sa misused of funds umano ng OVP at Department of Education (DepEd) noong panahon ni Vice President Sara Duterte.
Hindi rin ginawang miyembro ng komite si Marcoleta kaya limitado ang kanyang galaw noong magsagawa ng imbestigasyon sa umano’y mga maanomalyang paggamit ni Duterte sa kanyang pondo partikular na ang Confidential and Intelligence Funds (CIF).
Dahil dito, itinuturing nang isang ordinaryong miyembro ng Kamara si Marcoleta at bagama’t maaari pa rin itong dumalo sa mga pagdinig sa Kamara ay hindi na ito pwedeng bumoto o kaya magpasok ng anomang mosyon. (BERNARD TAGUINOD)
77