Sinabi ng United Bangsamoro Development Council (UBDC), sa pamumuno ni Northern Kabuntalan Mayor Datu Umbra Dilangalen, na ang pagpapaliban sa eleksiyon ay magbibigay rin ng kinakailangang panahon upang matiyak na ang electoral process ay hindi minadali, matapos ang ruling ng Supreme Court na hindi nagsasama sa lalawigan ng Sulu sa Bangsamoro region.
Nilagdaan din ng grupo ang isang manifesto na sumusuporta sa Senate Bill No. 2862 ni Senate President Francis Escudero, na nananawagan para sa pagpapaliban ng kauna-unahang parliamentary elections na nakatakda sa susunod na taon.
Kabilang sa mga lumagda sa manifesto ang mga alkalde at iba pang mga opisyal mula sa Northern Kabuntalan, Mother Kabuntalan, Parang, Barira, Matanog, Sultan Mastura, Buldon, Datu Blah Sinsuat, at North Upi.
Noong Linggo, nagpahayag din ng buong suporta si Member of Bangsamoro Parliament Teng Ambolodto sa panukalang ipagpaliban ang BARMM polls.
Sinusuportahan din ng Office of Special Assistant to the President (OSAP) na pinamumunuan ni Antonio Lagdameo, Jr. ang pagsuspinde sa BARMM 2025 elections at idaos ito sa 2026 upang magkaroon ng karagdagang panahon na rebisahin ang mga bagay na may kinalaman sa eleksiyon.Partikular na sinusuportahan ng OSAP ang Senate Bill 2862 at House Bill 11034, na isinasaalang-alang ang pangangailangan na resolbahin ang “institutional and statutory issues” at rebisahin ang mga batas para sa eleksiyon.
Isa sa pangunahing areas of concern para sa pagpapaliban ay ang pagbuo ng walong bagong munisipalidad sa BARMM na nagbibigay katwiran sa Kongreso na lumikha ng isang bagong batas bilang suporta sa Parliament Resolution No. 499 ng rehiyon noong nakaraang Setyembre para sa paglikha ng isang bagong lalawigan na tatawaging ‘Kutawato.’
“Taking into account the now new Bangsamoro territorial jurisdiction by virtue of the said decision, there is a need for a new enabling autonomy act for redistricting to reflect Sulu’s exclusion from the BARMM and ensure the required proportional representation among the remaining districts,” pahayag ng OSAP sa position paper nito.
“OSAP finds the general text of the measure in order and concurs that there is a need to study all the legal implications arising from the Supreme Court decision on the Province of Sulu and revisit the current legal infrastructure to ensure proportional and equitable representation within the BARMM and prevent the disenfranchisement of its voters,” dagdag pa nito
Ilang kilalang personalidad din ang pabor sa pagpapaliban sa eleksiyon, kabilang ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity, House Speaker Martin Romualdez, Lanao del Sur Representative Zia Adiong, Moro National Liberation Front Sema Faction, at ang Bangsamoro Party.
58