P138-M gastos sa anibersaryo kinastigo PHILHEALTH GARAPAL

KINASTIGO hindi lang ng mga health advocate ang guguguling P138 million para sa anibersaryo ng Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth).

Hindi lang inilarawan ang selebrasyon bilang magarbo kundi garapal din ito ayon naman sa mga netizen.

“Grabeng kagarapal na yan ah! Sinong mga attendees niyan? Perang galing sa buwis ng mga ordinaryong mamamayan yan ah!,” ayon sa X user na si Jace.

Sa Kamara, isang mambabatas ang nagpahayag na dapat pigilan ang maluhong selebrasyon ng ahensya sa Pebrero 2025.

Ayon kay Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, hindi makatarungan sa mga miyembro ng PhilHealth ang ganito kabonggang selebrasyon ng ahensya, sa halip iginiit na gamitin ang pondo para madagdagan ang tulong sa mga may sakit.

“The P138 million Philhealth has budgeted for the event could better be used for patient dialysis. At the increased rate of P6,350 per session, P138 million could fund 21,732 dialysis treatments and benefit the same number of patients,” paliwanag ng mambabatas.

Kabilang sa gagastusan umano ng PhilHealth ay pambili ng giveaways, coffee books at mga handaan sa iba’t ibang panig ng bansa na hindi aniya makatarungan sa mga miyembro ng nasabing state insurance.

“Anong gagawin ng mga miyembro sa coffee table book o token? Mas kailangan nila ng subsidy sa dialysis, gamot o hospitalization,” ayon pa kay Rodriguez kaya dapat aniyang pigilan ito ng Pangulo.

Unang itinanggi ng PhilHealth ang ganito kalaking gastos sa kanilang anniversary celebration sa Pebrero na isiniwalat umano ni Dr. Tony Leachon.

Nag-post kasi sa social media si Leachon na P138-M ang gagastusin ng ahensya sa kanilang Christmas party. Tinawag naman itong ‘fake news’ ng PhilHealth dahil sa anibersaryo anila at hindi Christmas party gagamitin ang naturang halaga.

“But he was right about the spending plan, which PhilHealth officials themselves have admitted. Nagpapalusot lang sila by claiming it was fake news,” ayon kay Rodriguez na tila ipinagtanggol si Leachon bagaman nagkamali ito sa pagsasabing sa Christmas party inilaan ang P138 milyon.

Mungkahi ni Rodriguez, P8 million lamang ang dapat gastusin ng ahensya sa kanilang anibersaryo at ang natitirang P130 million ay itulong sa mga miyembro na nangangailangan.

13

Related posts

Leave a Comment