NPA LEADER PATAY SA SAMAR ENCOUNTER

PATAY ang isang mataas na opisyal ng communist New People’s Army nang makasagupa ang mga elemento ng 46th Infantry Battalion ng 8th Infantry Division Philippine, Army sa Catbalogan City, sa Samar.

Ayon sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni Army Commanding General Lt. Gen. Roy Galido, nasabat ng kanilang mga tauhan ang isang pulutong ng CPP-NPA sa Barangay Cawayan nitong nakalipas na linggo na tumagal ng kulang kalahating oras bago nagpasyang tumakas ang mga kasapi ng CTGs at iniwan na lamang ang napaslang na lider.

Kinilala ang napaslang na NPA leader na si Artemio Solayao alyas “Budil”, pinuno ng Squad 2, Yakal Platoon, SRC Browser ng Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC).

Si alyas “Budil” na nakuhanan ng kalibre .45 pistola, ay may nakabinbing multiple warrants of arrest dahil sa mga karahasang inihasik nito kabilang ang pananambang sa 14th Infantry Battalion sa Maypadandan, Catbalogan City, ayon kay Brigadier General Lenart R. Lelina, ang Brigade Commander ng 801st Infantry Brigade.

Sa tulong naman ng Philippine Air Force Intelligence Unit ay naaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), ang umano’y high-ranking member ng New People’s Army (NPA) sa Cebu City.

Sa news release nitong Sabado, Disyembre 14, kinilala ni PNP chief, Gen. Rommel Francisco Marbil ang nadakip na NPA leader na si alyas “Marlo,” pinuno ng Squad 1, Sandatahang Yunit Propaganda na aktibo sa Negros Island.

Naaresto siya ng mga operatiba ng CIDG bandang 9:30 ng gabi noong Biyernes, Disyembre 13, sa Plaza Sa Katawhan, Cebu Coastal Road sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong Disyembre 22, 2020 ng Regional Trial Court Branch 64 sa Guihulngan City, Negros Oriental.

Kinasuhan si “Marlo” ng double murder at walang inirekomendang piyansa para rito.

Ayon sa PNP, isinagawa ang operasyon batay sa intelligence report mula sa ahenteng nakatalaga sa Lapu-Lapu City base ng Philippine Air Force, na nagkukumpirma sa presensya ng wanted communist insurgent members sa lugar. (JESSE KABEL RUIZ)

8

Related posts

Leave a Comment