ITINURING ng National Security Council na ilegal ang pananatili ng Chinese monster ship sa Capones Island sa Zambales.
Kasabay nito, nanindigan ang NSC na walang karapatan ang Chinese Coast Guard (CCG) na manatili sa bisinidad ng Zambales gamit ang kanilang barko.
Sa isang press conference kaugnay sa sitwasyon sa mga katubigan ng Pilipinas, sinabi ni Assistant Director General at National Security Council spokesperson Jonathan Malaya, walang awtoridad ang barko ng Tsina na manatili at magsagawa kanilang paglalayag sa Capones Island, Zambales.
Ayon sa opisyal, ilegal at malinaw itong paglabag sa United Nation Convention on the Law of the Sea at Arbitral Ruling noong 2016.
Sinabi naman ni Task Force on West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, na-monitor nila nitong Martes ng umaga na nasa 67 nautical miles ng bisinidad ng Zambales ang 5901 vessel ng Chinese Coast Guard.
Agad na ipinadala ang dalawang PCG vessel sa nasabing karagatan upang magpatrolya at itaboy ang monster ship.
Sinabi naman ni Rear Admiral Vincent Ruy Trinidad, sa panig ng Phil. Navy, ang kanilang barko ay magsasagawa rin ng sariling pagpapatrolya para masiguro ang seguridad sa teritoryo ng bansa.
Para kay Spokesman Malaya, wala namang dahilan para mag-convene ang bagong organisasyon ng NSC dahil nagagawa pa naman ng kaukulang mga ahensya ng gobyerno ang kanilang mga trabaho para bantayan ang teritoryo ng Pilipinas. (JOCELYN DOMENDEN)
