SALUDO KAY VP SARA DUTERTE

TARGET NI KA REX CAYANONG

SA gitna ng mga hamon ng kasalukuyang panahon, napatunayan ni Vice President Sara Duterte ang kanyang kakayahang maglingkod nang may malasakit at mabisang aksyon para sa ikabubuti ng bawat mamamayan ng bansa.

Ang kanyang mga programa at inisyatiba ay patunay ng kanyang dedikasyon sa pagsulong ng edukasyon, seguridad, at paghubog ng mas matibay na kinabukasan para sa mga Pilipino.

Isa sa pinakamakabuluhang mga hakbang ni VP Duterte ay ang pagtuon sa pagpapatatag ng sektor ng edukasyon noong siya naging kalihim ng DepEd.

Noon ay inilunsad niya ang mga reporma upang gawing mas inklusibo at dekalidad ang edukasyon. Kasama rito ang pagtutok sa mental health support para sa mga mag-aaral, guro, at kawani ng paaralan.

Bukod dito, pinabilis din ng kanyang liderato noon ang pagpapatayo ng mga bagong paaralan at pagsasaayos ng mga sirang pasilidad upang masigurong ligtas at maayos ang mga silid-aralan para sa mga estudyante.

Hindi rin nakaligtaan ang pagbibigay ng suporta sa mga guro upang mas mapaunlad ang kanilang kakayahan sa pagtuturo.

Hindi lamang edukasyon ang kanyang tinutukan.

Sa aspeto ng seguridad at kapayapaan, isinulong ni VP Duterte ang pagpapaigting ng kooperasyon sa pagitan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang labanan ang insurhensiya at kriminalidad noong siya ay co-vice chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Nagpakita siya ng kanyang hangaring mapanatili ang kapayapaan sa mga komunidad.

Ang kanyang paninindigan na gawing abot-kamay ang serbisyo ng pamahalaan sa mga malalayong lugar ay malinaw sa kanyang pagsuporta sa outreach programs na nagbibigay ng libreng serbisyong medikal, edukasyonal, at pangkabuhayan para sa mga nasa laylayan ng lipunan.

Sa kabila ng mga kritisismo, nananatiling matatag si VP Duterte sa kanyang layunin na itaguyod ang mabuting gobyerno kung saan ang bawat mamamayan ay may patas na pagkakataon at ligtas na kinabukasan.

Nagsisilbi itong paalala na ang tunay na lider ay hindi lamang nakikinig kundi kumikilos para sa kapakanan ng bawat Pilipino.

14

Related posts

Leave a Comment