KUMBINSIDO si Transportation Secretary Vivencio “Vince” Dizon na ang prayoridad ng pamahalaan na i-develop ang high-capacity mass transit systems—gaya ng Metro Manila Subway ay North-South Commuter Railway—ay solusyon para sa traffic congestion sa Kalakhang Maynila at kalapit lalawigan.
“The ultimate solution to traffic is really mass transit… high-capacity mass transit,” ayon kay Dizon sabay sabing “[Pag may] high capacity [mass transit], hindi na kailangan mag kotse. Kasi ang kotse, dalawa lang o apat ang kasya. [Kapag] high capacity, daan-daan ang kasya doon.”
Ibinahagi naman ni Dizon ang naging kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bilisan ang infrastructure projects gaya ng Metro Manila Subway.
“I spoke at length with the President about this, and the first thing he said, all these [high-capacity mass transit] projects have to be fast-tracked. Ang sinabi niya, unang-una, the ongoing [construction of the] Metro Manila Subway, kailangan bilisan. That is a game changer for all of us,” aniya pa rin.
Umaasa naman si Dizon para sa isang world-class subway system sa bansa.
“Ako talaga, [ang] wish ko lang [eh] na tayong lahat dito sa kwartong to at mga kababayan natin, in our lifetime, ma-experience natin may subway tayo sa Pilipinas na maayos, world class, like those in Tokyo, Hong Kong, Singapore. Iyon ang unang unang priority ng Presidente, kailangan bilisan ‘yan. Pangalawa, iyong North-South Commuter Railway,” ang sinabi ni Dizon.
ikinalungkot naman ni Dizon ang pagkaantala ng infrastructure development sa bansa sa kabila ng pagiging una sa Asia na nakapagtayo ng light rapid transit system kasama ang Light Rail Transit (LRT) 1.
“It is very depressing na tayong unang-unang nagkaroon ng rail [system] sa Asia tapos ngayon, nagkukumahog tayo rito,” aniya pa rin.
Binigyang diin nito na madaliin ang pagkompleto sa subway, sabay sabing “[Kaya] itong subway, kailangan matapos nang mabilis. ‘Yun ang critical dyan. Pero, kung ang subway natin will take 15 years, eh, matagal naman masyado yun. [Dapat] bilisan natin.”
Binigyang diin naman ni Dizon ang epekto ng proyekto para pagaanin ang trapiko sa Metro Manila at mabawasan ang paghihirap ng araw-araw na pag-commute para sa mga manggagawa na bumibiyahe mula sa mga kalapit-lalawigan.
“If we have the connectivity, if you live in Bulacan or Pampanga, you won’t even need to rent an apartment in Metro Manila because your travel time will just be at one hour for one way,” ang paliwanag ni Dizon.
Maliban sa mass transit, nais din aniya ng Pangulo na ayusin ang regional airports para palakasin ang turismo.
“Our regional airports… we need them to be well maintained, especially in tourist attractions like Siargao, Palawan. That is very important,” aniya pa rin. (CHRISTIAN DALE)
