DOTr-MRT3 NAG-SORRY SA PALPAK NA SERBISYO

mrt3

(NI KEVIN COLLANTES)

NAGPALIWANAG at humingi ng paumanhin sa publiko ang pamunuan ng Department of Transportation-Metro Rail Transit Line 3 (DOTr-MRT3) kasunod na rin nang pagtitigil ng biyahe ng kanilang mga tren nitong Huwebes ng gabi, na nagresulta upang mapilitan silang pababain sa tren at palakarin sa riles ang kanilang mga pasahero.

Ayon kay MRT-3 director for operations Michael Capati, ‘low power supply’ sa kanilang  Overhead Catenary System (OCS) ang dahilan nang pagtitigil ng biyahe, at hindi aniya nila ito kontrolado.

“We were very sorry for that. Hindi namin hawak ‘yun dahil ‘yung power supply natin medyo kulang eh,” ayon kay Capati, sa isang panayam sa telebisyon.

“Pagpasensyahan na lang ng mga [pasahero] natin kasi ‘yan yung mga sitwasyon na hindi natin kontrolado eh,” aniya pa.

Naniniwala rin naman si Capati na ang kakaunting suplay ng kuryente ay maaaring dahil sa manipis na power reserves.

Sa inisyung paabiso ng DOTr-MRT3,  dakong 8:40 ng gabi ng Huwebes ay kinailangan ng MRT-3 na itigil ang kanilang mga biyahe at pababain ang kanilang mga pasahero sa interstation ng Kamuning at Quezon Avenue (northbound), at Quezon Avenue at North Avenue (northbound) dahil sa kakaunting suplay ng kuryente sa kanilang OCS, na naganap dakong 8:21 gabi.

Pagsapit ng 8:52 ng gabi ay naibalik rin naman ang kuryente sa OCS at 9:11 ng gabi naman nang maibalik sa normal ang operasyon ng mga tren ng MRT-3.

Ang MRT-3 ay bumibiyahe sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), mula North Avenue, Quezon City at Taft Avenue, Pasay City, at pabalik.

 

160

Related posts

Leave a Comment