Ang charity worker na si Sarah Discaya habang abala sa pamamahagi ng ayuda sa kanyang mga kababayan.
“Malaking tulong ang zero hospital billing pati na ang quality medical services sa pagpapanatili ng kalusugan ng mga Pasigueño na walang sapat na kakayahang magpagamot sa pribadong ospital.”
PASIG City – Sinabi ni mayoral aspirant Sarah Discaya na bilang progresibong lungsod ay kayang-kaya ng pondo nito na ipagkaloob sa mga Pasigueño ang “zero hospital billing.”
Ayon kay Discaya, na mas kilala bilang Ate Sarah sa Pasig, ay mahalaga na magkaroon ng sapat na akses ang kanyang mga kababayan sa maka-masa, inklusibo, at dekalidad na medical services na hindi na kailangang hingiin pa ng mga ito kung hindi kusang ipinagkakaloob ng lokal na gobyerno.
“Yung zero hospital billing, it’s actually doable dahil ang Pasig ay isa sa mga progresibong lungsod. Kung kayang gawin ito sa mga probinsya, why can’t we do that here in our city?” sabi ni Discaya sa isang panayam.
Malaking tulong umano ang “zero hospital billing” sa mga Pasigueño lalo na sa mga nasa laylayan dahil hindi na sila mangangamba na magpa-check up at pumunta sa doktor kung sila ay may mga iniindang karamdaman.
“Kailangan na kailangan ng mga Pasigueño ang zero hospital billing pati na ng quality medical services na matatagpuan nila sa mga hospital at healthcare centers,” saad niya.
Dinagdag pa ni Discaya na isa sa kanyang mga pangarap para sa Pasig City ay ang magbigay ng epektibo, sapat, at kumpletong medikal na serbisyo sa mga pampublikong ospital upang hindi na kailanganin pang pumunta ng mga kapus-palad sa mga pribadong ospital.
“Gusto natin na kampante yung mga pasyenteng pumupunta sa mga public hospital, hindi yung natatakot sila na baka ‘yun na ang final destination nila. Gusto nating ibigay ang epektibong serbisyo sa mga pampublikong hospital upang hindi na nila kailanganin pang pumunta sa mga pribadong hospital kung saan may malaking bayarin,” ani Discaya.
Bumagsak ang Pasig City sa 2024 Rankings of Highly Urbanized Cities sa ilalim ng Cities and Municipalities Competitive Index ng Department of Trade and Industry (DTI) mula sa ika-6 nitong ranggo noong 2019 papunta sa ika-9 nitong 2024.
Malaki ang kontribusyon ng government efficiency sa naturang rankings na kinabibilangan ng government services tulad ng health services, peace and order, school services, at social protection.
Samantala, may ilan ding mga senior citizen ang nagpahayag ng kanilang hinaing na hindi umano sumasapat ang natatanggap nilang mga healthcare benefits mula sa kasalukuyang administrasyon.
Dito umano nagsimula ang layunin ni Ate Sarah na magbigay ng dagdag at sapat na serbisyong medikal sa mga matatanda at kabataan sa lungsod ng Pasig.
Kaya naman muling idiniin ni Discaya ang kanyang pangako sa mga Pasigueño na matalo o manalo man siya sa darating na eleksyon ay hindi umano siya titigil na magbigay ng malawakan at kumpletong medical missions sa iba’t ibang parte ng lungsod upang matugunan ang mga medikal na pangangailangan ng mga lokal ng Pasig.
Bilang builders, layunin ni Ate Sarah na gawing ‘smart city’ ang Pasig na mayroong mga smart facilities tulad ng ‘smart hospitals’ na mayroong makabagong teknolohiya at sapat na medical professionals. [END]
22