PUWERSA NG PNP PINAIGTING SA PAGSIPA NG LOCAL CAMPAIGN PERIOD

IPINAG-UTOS ng pamunuan ng Philippine National Police na paigtingin ang kanilang inilatag na security blanket kaugnay sa pag-arangkada ng kampanyahan para mga local position sa Biyernes.

Kasabay nito ipinag-utos din ni PNP chief, Police Gen. Rommel Francisco Marbil, na mas palakasin ang pagbabantay sa mga lugar na itinuturing na ‘hot spots or areas of immediate concern’ sa pagsisimula ng kampanyahan para sa local elective post mula sa pagka-gobernador, district representatives hanggang pagka-alkalde at konsehal.

Una nang pinaghandaan ng PNP ang ipatutupad na security measures sa mga lugar na itinuturing na ‘election areas of concern’ partikular ang mga lugar na may umiiral na matinding tunggaliang pulitikal, may presensya o posibleng minamantineng private armed groups, at areas na may record ng karahasan ng mga nagdaang halalan.

“Ang instruction po ng ating chief PNP ay siguraduhin na habang papalapit po ‘yong ating eleksyon ma-address po natin itong mga tinatawag po na election risk factors,” pahayag ni Police Brig. Gen. Jean Fajardo, ang tagapagsalita ng Pambansang Pulisya.

Bukod dito, posible ring magdagdag ng kanilang mga tauhan ang pulisya sa estratehikong mga lugar, mga pagdarausan ng mga kampanyahan at maging sa mga lugar na dinaragsa ng mga tao.

Nabatid na maging ang PNP-National Capital Region Police Office (NCRPO) ay naglabas ng kautusan na paghandaan ang pagsikad ng local campaign period sa kalakhang Maynila.

Ayon kay NCRPO chief, Police Brig. Gen. Anthony Aberin, “Ang NCRPO ay maglalatag ng isang komprehensibong security coverage upang matiyak na ang lahat ng mga aktibidad sa panahon ng kampanya ay magiging payapa at naaayon sa batas”.

(JESSE KABEL RUIZ)

39

Related posts

Leave a Comment