KAPE AT BRANDY ni SONNY T. MALLARI
TAPOS na ang Semana Santa. Pulitikahan na naman sa apat na sulok ng Pilipinas. Balik na naman ang mga kandidato sa kani-kanilang klase ng pamumulitika sa kampanyahan upang masungkit ang boto ng mga botante.
Dahil malapit na sa huling yugto ang kampanya, may mga aspiranteng gumagamit na ng salapi, pananakot at pambabato ng putik sa kanilang katunggali kasama na ang kung ano-anong akusasyon na wala namang basehan. Ang tanging hangad lang ay wasakin ang pagkatao ng kanyang kalaban at lansihin ang taong-bayan.
Kaya maging mapanuri, mapagduda at mapagtanong sa anomang nagkalat na impormasyon lalo na sa social media. Naglipana ngayon ang mga pekeng balita, datos at samu’t saring ka-ek-ekan na ang tanging layunin ay tabunan ang katotohanan at iligaw ang kamulatan at kamalayan ng mga nagsusuring mamamayan.
Sa panahong ito, dapat ay nakapagsagawa na tayo ng masusi at matalinong pag-aaral sa kabuluhan at kawalang-kabuluhan ng mga kandidato sa lokal na posisyon lalo’t higit ang mga naghahangad ng upuan sa Senado. Dapat ay nirerebyu na natin ang mga nakalistang kandidato sa ating sariling sampol ballot na pagtitiwalaan natin ng sagradong balota.
Krusyal at totoong mahalaga sa buong sambayanang Pilipino ang magiging resulta ng halalan sa Mayo 12 partikular kung sino ang 12 senador na bibigyan ng mandato upang isulong ang kapakanan at interes ng bansa at mamamayan lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan.
Ang nakalulungkot lang ay parang walang pagpapahalaga sa iniwang aral ng mga nakaraang eleksyon ang karamihan sa mga Pilipino. Marami sa atin ang nananatiling nakakulong sa dekahong mentalidad na masasayang lang ang boto kung matatalo ang ililistang kandidato sa balota kaya tanging ang mga sikat at popular ang iboboto dahil llamado.
Nakalulungkot at nakagagalit. Nananatiling bulag sa katotohanan ang marami.
Ilang artistang sikat at mga popular ang nasa Senado ngayon at kahit noon pa? May isinulong ba silang makabuluhang batas, proyekto, at programa upang magbago at guminhawa ang pamumuhay ng mamamayan?
Hindi ba’t lalong lumulubog sa kahirapan ang marami habang mas lalong nagtatampisaw sa karangyaan ang iilan kasama na ang mga inihalal na opisyal ng pamahalaan?
Hindi ba’t lalong lomolobo ang utang ng bansa samantala’y dumarami naman ang mga tila walang kinatatakutang manderekwat sa salapi ng taong-bayan?
Ngayon, may mga artista na naman, komedyante at mga kabilang sa sikat na pamilya ang kandidatong senador. Iboboto pa ba sila? Kailan pa tayo magigising sa katotohanan na dinedenggoy lang nila ang publiko!
Ilang araw na lang at eleksyon na. Hindi ako hihinto sa tuwinang pagpapaalala na sana, sana ay ihalal natin ang mga matatapat at nararapat na kandidato. Nasa ating mga kamay ang pagpapasya kung gusto ba nating makalaya sa paghihirap at hindi makatarungang sitwasyon natin ngayon o mananatili tayong nakakulong sa piitan ng lipunan na tayo rin ang lumikha.
##########
Nang sumakabilang buhay si Ms. Nora Aunor kamakailan, marami sa aking henerasyon ang nagising sa katotohanan na totoo siyang “SUPERSTAR”.
Noong pagpasok ng dekada sitenta, popular ang terminong “bakya”. Ibig sabihin, kapag tagahanga ka ni Nora, Vilma Santos, Tirso Cruz III, Edgar Mortiz, Eddie Peregrina at iba pang mga kontemporaryo nila sa entertainment industry, kakantyawan kang “bakya” o “baduy” ng barkada lalo na ‘yung mga taga-siyudad na nalulunod noon sa pagbaha ng musika ng mga dayuhan.
Alangan naman kasi ang kanta nila Nora sa sound trip ng mga kabataang madalas ay sabog sa marijuana at iba pang ipinagbabawal na droga. Masakit sa taingang pakinggan. Kaya etsa-puwera sila sa aming kamalayan noon.
Pero nitong magka-edad na kami, natuto na kaming humanga sa kalidad at timbre ng boses ng ilan sa kanila partikular si Ms. Aunor. At lalo akong sumaludo sa kanya nang maging artista na rin siya at sumangkot sa mga pelikulang may seryosong tema.
Muli kong pinanood ang “Himala” at minsan pa akong pumalakpak pagkatapos dahil sa husay ng kanyang pagkakaganap sa karakter ni “Elsa”. Naka-isked na rin ang gagawin ko pang panonood sa iba pa niyang obra.
Ang isa pang kahanga-hanga sa kanya ay ang kanyang pananatiling mapagpakumbaba at malapit sa masa na kanyang pinanggalingan sa kabila ng kanyang kasikatan at estado. Nagpugay akong lalo sa kanyang ginawang aktibong pakikisangkot sa mga makabayang isyu partikular sa pagpapalayas sa base-militar ng mga Amerikano.
Sa rami ng mga karangalang nakamit niya sa loob at labas ng bansa bilang isang tunay, matapat at makabayang alagad ng sining, nararapat lang na ihimlay siya sa libingan ng mga bayani.
Paalam Ms. Nora Aunor. Superstar. Isa kang karangalan ng lahing Pilipino.
##########
Habang tinatapos ko ang kolum na ito ay lumabas ang balita na sumakabilang buhay na rin si Pope Francis o si “Lolo Kiko” sa mga Pilipinong kasapi ng Simbahang Katoliko. Matanda na siya. 88. Halos ilang linggo siyang nakikibaka sa sakit. Namatay siya sanhi ng stroke at sakit sa puso, ayon sa Vatican.
Tinawag na siya ng Panginoong Diyos upang makapagpahinga na pagkatapos niyang maging spiritual leader ng mga Katoliko sa buong mundo simula noong Marso 13, 2013. Siya ang unang Jesuit priest na naging Santo Papa.
Isa sa mga pagpipiliang kapalit niya ang kababayan nating si Cardinal Luis Antonio Tagle. Si Cardinal Tagle ang magiging kauna-unahang Asyanong Santo Papa kung siya ang mapipili.
Paalam mahal naming Santo Papa Kiko. Maraming salamat sa mabuti mong pamumuno ng ating simbahan.
