KINUMPIRMA kahapon ni Department of National Defense (DND) secretary Gilberto Teodoro Jr. na parating na ang panibagong batch ng BrahMos cruise missile system na galing sa Estados Unidos.
“So parating na ito at aming gagawin ang kailangan natin upang magamit ito ng tama,” ani Teodoro sa isang chance interview sa EDSA Shangri-la Hotel sa Mandaluyong City.
Subalit hindi nagbigay ng anumang detalye ang kalihim hinggil sa paparating na supersonic cruise missile system na nakatakdang ihatid ng India sa Pilipinas lulan ng isang cargo ship.
“Iyan ay mga dating order and talagang parating at aming ginagawa, na-order nga ito ngunit kung kung saan ito ilalagay at kung saan ito ii-store, hindi nakahanda noon at aming inihabol at aming inihanda. So parating na ito at aming gagawin ang kailangan natin upang magamit ito nang tama, ” anang kalihim.
Nabatid na ipinadala na ng India ang pangalawa mula sa ikatlong batch ng BrahMos cruise missiles sa Pilipinas.
Magugunitang ang unang BrahMos missile battery ay inihatid sa bansa sakay ng Indian Air Force transport aircraft noong Abril 2024, ang ikalawang batch ay ipinadala lulan naman ng barko.
Ang tatlong BrahMos missile battery mula India ay alinsunod sa P18.9 bilyong kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Indian-Russian joint venture na BrahMos Aerospace Private Ltd.
Walang kumpirmasyon subalit sinasabing ang bawat BrahMos battery na binili ng Pilipinas ay fully integrated coastal defense system na binubuo ng mga mobile autonomous launcher, fire-control radar, command and control center at logistical support vehicle. Naka-mount ito sa high-mobility Tatra 6×6 platform.
Hinayag pa na ang supersonic cruise missile ay kayang magdala ng 200–300 kilogram na conventional warhead at pinalilipad gamit ang solid propellant booster para sa initial acceleration saka susundan ng liquid-fuel ramjet engine para sa low altitude na may pinpoint strike precision na mahirap umanong ma-intercept ng ibang air defense system.
Lumilitaw na ang Pilipinas ang ikatlong bansa sa Southeast Asia na nagkaroon ng itinuturing na pinakamabilis na supersonic anti-ship missile system, kasunod ng Indonesia at Vietnam.
Matatandaang sa paglagda ng kontrata noong Enero 2022, sinabi ni dating defense secretary Delfin Lorenzana na magbibigay ang BrahMos missiles ng deterrence capability sa Pilipinas laban sa anumang pagtatangkang sirain ang ating soberanya lalo na sa West Philippine Sea.
Ang BrahMos medium-range supersonic missiles na kayang umabot sa 290 kilometers hanggang sa 400 km ay maaaring ilunsad mula sa submarino, barko, eroplano o land platform. Ito ay may bilis na Mach 2.8 o halos triple na mas mabilis sa speed of sound.
(JESSE KABEL RUIZ)
