NAKAHANDA si Vice President Sara Duterte anoman ang maging hatol ng Senate impeachment trial, na pansamantalang itinakda sa Hulyo.
Matatandaang sinampahan ng impeachment complaint si VP Sara noong Pebrero ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa gitna ng lumalaking hidwaan sa pagitan ng pamilya Duterte, pamilyang Marcos at mga dati niyang kaalyado.
Matapos bumoto kahapon, sinabi ni VP Sara sa isang ambush interview na handa siya sa anomang kalalabasan ng impeachment trial sa Senado na magdedetermina ng kanyang ‘political future.’
Bukod sa maalis sa tanggapan, isang guilty verdict ng senator-judges ang kanyang tinitingnan para permanente siyang pagbawalan sa pampublikong tanggapan.
“Hindi ko naman siya tiningnan na gano’n, hindi ko tiningnan na nangampanya ako para sa issues ko o sa issue ni dating pangulong Duterte, dahil ang isyu ko lang naman ay impeachment,” ang sinabi ni VP Sara.
“Sinasabi ko nga na ‘yung impeachment naman kahit ano’ng mangyari diyan, guilty or acquittal, handa na ako sa kung ano’ng mangyayari,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, sinabi ni VP Sara na seryoso niyang kinokonsidera ang pagtakbo sa pagkapangulo sa 2028 elections, isang pahayag na para sa Malakanyang ay “too premature.”
Samantala, ipinauubaya na ni VP Sara sa Panginoon ang kapalaran ng 10 Duterte-backed senatorial aspirants.
Aniya, sinabi niya sa kanyang ama na si dating pangulong Rodrigo Roa Duterte na mahigit sa dalawang kandidato na suportado ng mga ito ang maaaring makasungkit ng Senate seat.
(CHRISTIAN DALE)
