MISTULANG nanaig ang mga kilalang political family at maging ang mga partido pulitikal sa katatapos na eleksyon, hindi lamang sa national at local na posisyon kundi maging sa party-list system.
Sa 54 party-list organizations na nanalo sa nakaraang eleksyon kung saan 52 dito ang naiproklama na ng Commission on Elections (Comelec), 19 sa mga ito ay mula sa mga kilalang pamilya ng mga politiko at political party.
Una ang Tingog party-list na pag-aari ni House Speaker Martin Romualdez kung saan ang kanyang misis ang isa sa mga kumatawan sa Kamara ngayon 19th Congress at anak nito ang first nominee sa katatapos na halalan.
Ang 4PS party-list ay itinuturing mula sa political families dahil ang unang nominee nito na si House Minority leader Marcelino Libanan ay kilalang politiko sa Eastern Samar habang ang second nominee na si Jonathan Clement Abalos ay konektado umano sa pamilya ng mga politiko sa Mandaluyong City.
Kilala rin ang ACT-CIS na party-list ng mga Tulfo habang itinuturing na political family na rin sa Bicol ang mga Co na siyang nagtayo ng Ako Bicol party-list habang ang Solid North ay itinayo naman ni Abra Rep. Ching Bernos at tumayong first nominee ng partido.
Ang FPJ Panday Bayanihan party-list ay itinuturing ding mula sa political family dahil anak ni Sen. Grace Poe na si Brian Poe Llamanzares ang uupong kinatawan sa 20th Congress habang ang TUCP party-list ay konektado rin sa political family na Mendoza sa Cotabato.
Hindi rin lingid sa kaalaman ng lahat ang Agimat party-list ay konektado sa pamilya Revilla na kilalang mga politiko sa Cavite habang ang Alona party-list ay kilalang sa pamilyang Suarez ng lalawigan ng Quezon.
Ang Bicol Saro ay konektado rin sa mga Villafuerte sa Camarines Sur habang ang Ako Ilocano Ako party-list ay sa pamilyang Singson na kilalang political family sa Ilocos Sur. Ang BH party-list naman ay mula sa pamilyang Herrera na kabilang sa mga politiko sa Quezon City.
Konektado naman sa pamilyang Arbison na mga politiko sa lalawigan ng Sulu ang Kapuso PM party-list, gayundin ang Kusug-Tausug party-list ay sa pamilyang Abubakar Tan ng nasabi ring lalawigan.
Ang Akbayan at Mamamayang Liberal (ML) party-list ay kilalang kaalyado ng Liberal Party (LP) habang ang Cibac party-list ay partido ng mga Villanueva na kilalang mga pamilya ng politiko at religious group sa Bulacan.
(BERNARD TAGUINOD)
