SADYANG nawala na ang tiwala ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan sa mga survey firm, lalo na’t sumablay ang mga ito sa nakaraang eleksyon kaya hindi na rin naniniwala ang mga ito na singkwenta porsyento ng mga Pilipino ay tutol sa impeachment case na isinampa laban kay Vice President Sara Duterte-Carpio.
Sa panayam kay 1-Rider party-list Representative Rodrigo Gutierrez, sinabi nito na hindi siya naniniwala sa resulta ng Pulso ng Bayan survey ng Pulse Asia na 50 porsyento ang ayaw sa impeachment case, 28 ang pabor at 32 naman ang walang opinyon.
“Nakita rin po natin kung anong resulta ng survey sa ating senatorial election. Surprised, No. 2 Sen. [Bam] Aquino, and we also have Sen. [Kiko] Pangilinan among others, so iyon, I really take surveys with a pinch of salt right now,” ayon sa mambabatas.
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na wala sa ‘Magic 12’ na nagwagi ng senador sa katatapos na midterm elections sina Aquino, Pangilinan at Rodante Marcoleta sa mga senatorial survey subalit nakuha ng mga ito ang ika-2, 5 at 6 na puwesto sa senatorial race.
Ang mga pirmes namang nasa winning circle sa survey ng iba’t ibang mga research firms na sina Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., Ben Tulfo, Abigail ‘Abby’ Binay ay nabigong makapasok kaya tila nawala na ang tiwala ng party-list congressman sa mga ito.
“Prior to the elections, I did believe in surveys, but after the election, we saw the results—doon po tayo nagkakaroon ng, you know,” ayon pa kay Gutierrez kaya lalong hindi naniniwala na 50 porsyento sa 1,200 respondent ng Pulse Asia ay kontra sa pagpapaimpeach kay Duterte.
Nagbabala naman ang tagapagsalita ng Kamara na si Atty. Princess Abante laban sa labis na pagtitiwala sa resulta ng mga survey sa mga isyung pampulitika tulad ng nakaambang impeachment trial ni Duterte.
(BERNARD TAGUINOD)
