PBBM KAY TORRE: PNP LINISIN

LINISIN ang police force, kumilos nang mabilis laban sa mga pasaway na opisyal at tiyakin na ang kapulisan ay mananatiling ‘source of public reassurance’ at proteksyon.

Ito’y ilan lamang sa mga marching order ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay bagong Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III, na opisyal na pamumunuan ang 231,000-strong police force, araw ng Lunes.

“Panatilihin mong malinis at marangal ang hanay ng kapulisan,” ang bilin ni Pangulong Marcos sa isinagawang PNP change of command ceremony sa Camp Crame.

Hinikayat naman ng Pangulo si Torre na bilisan ang imbestigasyon laban sa mga police officer na sangkot sa illegal activities.

“Bilisan ang imbestigasyon sa mga kaso laban sa mga pulis na lumabag sa batas upang maibigay natin ang hustisya sa lalong madaling panahon,” ang winika pa rin ng Pangulo.

Binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan na itaas ang police visibility sa lansangan.

“Kapag kailangan ng taumbayan, dapat may pulis na agad na reresponde,” ang tinuran ng Pangulo.

Nanawagan naman ang Punong Ehekutibo na tutukan ang paglansag sa illegal drugs, ipinag-utos sa PNP na makipagtulungan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagtugis sa ‘big at small-time drug peddlers’ at tiyakin na mananagot ang mga ito.

Pinaalalahanan naman niya ang mga police officer na iwasang abusuhin ang kanilang awtoridad.

“Iwasan ninyo ang paggamit ng pribilehiyo para sa pansariling benepisyo. Maging instrumento kayo ng katuwiran, kapayapaan, at kaunlaran,” ang sinabi ng Pangulo.

Sa kabilang dako, si Torre ang pumalit kay Gen. Rommel Francisco Marbil, na pinuri ni Pangulong Marcos para sa liderato na nagmarka ng integridad, propesyonalismo at paggalang sa karapatang-pantao.

(CHRISTIAN DALE)

204

Related posts

Leave a Comment