MISTULANG nasa vacation mode pa ang maraming miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil mahigit isang daan pa ang hindi nagpakita sa unang session mula sa mahigit tatlong buwang bakasyon.
Sa pagbabalik session ng Kamara kahapon, 172 Congressmen lamang ang tumugon sa roll call mula sa 306 miyembro ng 19th Congress kaya umaabot sa 134 ang hindi pumasok sa kanilang trabaho.
Ang Kongreso ay nagbakasyon mula noong Pebrero 6, 2025 para bigyang daan ang katatapos na midterm election.
Dalawang linggo lamang ang natitirang panahon o katumbas ng 6 session days bago tuluyang itiklop ang 19th Congress na nagsimula kahapon.
Samantala, habang isinusulat ito ay hindi pa naisasalang sa ikatlo at huling pagbasa ang P200 legislative wage increase na naging dahilan para sumugod ang mga manggagawa mula sa iba’t ibang grupo sa Batasan Pambansa kahapon.
“Nagkakatrapik dahil sa NCAP (No-Contact Apprehension Policy) pero mas natrapik ang P200 sa Batasan,” patutsada ng mga miyembro ng Partido ng Manggagawa, Nagkakaisa at miyembro ng National Wage Coalition (NWC).
Kabilang sa bumubuo sa nasabing koalisyon ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Kilusang Mayo Uno (KMU) at Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) kung saan hinamon ng mga ito si House Speaker Martin Romualdez na patunayan na ang Kamara ay “House of the People” sa pamamagitan ng pagpapatibay sa nasabing panukala.
Subalit sa ambush interview kay Romualdez kahapon, sinabi nito na ipinauubaya na umano nito sa majority bloc ang desisyon sa P200 legislative wage increase.
(BERNARD TAGUINOD)
