SENADO NA ANG NILILITIS

DPA ni BERNARD TAGUINOD

IMBES na si Vice President Sara Duterte ang nililitis ng mga senador matapos ipa-impeach ng Kamara dahil sa mga kaso ng katiwalian, ang Senado na ang nililitis ng sambayanang Pilipino.

Hindi matanggap ng mga miron na ayaw litisin si VP Sara ng mga senador na kanyang kaalyado sa Senado, tulad ng nais mangyari ni Sen. Bato dela Rosa, na umaming sa kanyang tanggapan nagmula ang kumalat na draft ng Senate Resolution para ideklarang de facto dismissal ang impeachment case.

Dahil sa resolusyon ni Senator Bato, na unang Philippine National Police (PNP) chief ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kahit one-star general pa lamang siya noong June 2016, at pagdedeklara ni Sen. Imee Marcos na dead na ang impeachment case sa kanyang kaibigan at nagsalba sa kanyang senatorial bid, buong Senado na ang nililitis ngayon ng mga Pilipino.

Noong una ay si Senate President Chiz Escudero lang ang binabatikos dahil hindi niya agad inaksyunan ang ipinasang articles of impeachment ng Kamara laban kay VP Sara, pero dahil sa inaasta ngayon ng tinatawag na Duterte Bloc sa Senado, na tinawag ni Congresswoman France Castro na “Kulto ni Duterte sa Senado”, buong institusyon na ngayon ang nililitis ng publiko.

Sa nangyayari ngayon sa Senado, lalong nawawalan ng pag-asa ang publiko na mapanagot ang mga nagkasala sa bayan na posibleng magpalakas sa loob ng impeachable officials na labagin ang batas, at nakawan ang mamamayan.

Bukod sa paggawa ng batas, tungkulin ng Senado na panagutin ang matataas na opisyales ng gobyerno kapag sila ay nagkasala, at malinaw na nakasaad ‘yan sa saligang batas, kaya kung may nakahaing articles of impeachment ay dapat nilang litisin at kapag mahina ang ebidensya, absuweltuhin ang in-impeach na opisyal at kung matibay ang ebidensya, dapat naman nilang patawan ng parusa.

Pero gusto ni Bato na agad-agad na i-dismiss ang kaso nang walang gagawing paglilitis, kaya tila sinasagad niya ang pasensya ng taumbayan dahil sa pag-aakala siguro na nasa kanilang panig ang buong sambayanan. Sila mismo ang sumisira sa institusyon.

Pero may kasalanan din ang mga kongresista dahil ibinitin-bitin nila ang pagpapa-impeach sa pangalawang pangulo at hindi agad inaksyunan ang unang impeachment case na isinampa ng civil society group dahil sa paglustay sa confidential funds.

Unang sinampahan ng impeachment case si Duterte noong December 2, 2024 at sinundan ito ng grupong Makabayan noong December 4, 2024 subalit nagteka-teka ang lidero ng Kamara.

Ipinaabot nila ng February 5, 2025 dahil hindi pa raw tapos ang ikatlong impeachment na ieendorso ng mga kaalyado ni House Speaker Martin Romualdez, kaya naipasa lang ito sa Senado, ilang oras bago mag-adjourn ang Kongreso.

Kung umaksyon agad ang Kamara at nai-refer sa Senado ang articles of impeachment bago sila nag-Christmas break noong December 18, 2024, nawalan ng dahilan ang Senado para ipagpaliban ang pag-convene sa impeachment court, kaso nag-last two minutes sila eh, kaya ayan ang nangyari!

4

Related posts

Leave a Comment