MAHALAGA ANG BAWAT SENTIMO PARA SA MGA KONSYUMER

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

PATULOY pa rin nating nararamdaman ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo kaya hindi pa rin maiwasang sobrang dami pa ring nagrereklamo kapag oras na para maglabas ng pambayad para sa mga nakonsumo natin.

Mabuti na lang, may magandang balita ang Meralco kamakailan. Alam naman natin na itinuturing na “grudge expense” ang kuryente — dahil dito talaga napupunta ang bahagi ng buwanang budget at bukod pa riyan, binabayaran ito matapos makonsumo hindi kagaya ng ibang produkto o serbisyo na kailangang bayaran muna bago mapakinabangan.

Ayon sa kumpanyang nagbibigay ng serbisyo ng kuryente sa Metro Manila at ilang karatig na probinsya at mga bayan, bumaba na ng dalawang magkasunod na buwan ang singil. Kahit na panahon ng tag-init kung kailan kadalasan sumisipa ang singil, natapyasan na ng 75 centavos kada kWh ang rate noong Mayo at nasa 11 centavos kada kWh naman ngayong Hunyo. Kaya naman magandang balita ito para sa mga konsyumer na kadalasan, umaaray sa bayarin sa kuryente kapag tag-init.

Para sa isang tipikal na customer na mayroong 200 kWh na buwanang konsumo, ngayong buwan makikita nila ang kabawasan na 22 pesos sa kanilang bill. Kung mas mataas ang average na buwanang konsumo, mas malaki rin ang bawas.

Dahil daw ito sa pagbaba ng generation charge, na siya namang napupunta sa mga supplier ng Meralco na lumilikha mismo ng kuryente. Ito kasi ang pinakamalaking bill component sa kuryente kaya kahit anong paggalaw nito, tiyak na makakaapekto sa pangkabuuang rate buwan-buwan.

Pero alam ninyo ba na mayroon pang mga benepisyo na maaaring makatulong para mas mapababa pa ang bayarin sa kuryente. Para sa mga senior citizen o kaya naman sa mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at ng marginalized sector, maaaring makadagdag ginhawa ang ipinatutupad na lifeline subsidy at senior citizen discount para sa kuryente.

Importanteng mayroon tayong kaalaman tungkol dito dahil maaaring makinabang ang mga kasama nating senior citizen sa bahay, o kaya naman ang mga kakilala natin na mga talagang nangangailangan.

Makatutulong pa rin ang 5% discount para sa mga senior citizen sa kanilang monthly electricity bill, basta’t hindi lalampas sa 100 kWh ang kanilang konsumo at nasa kanilang pangalan ang bill.

Dagdag pa ang lifeline rate subsidy para naman sa low-income households na gumagamit lamang ng 100 kWh pababa kada buwan. Malaking diskwento na nasa 20% hanggang 100%, depende sa konsumo, ang katumbas nito.

Hinikayat ng Meralco ang mga kwalipikadong customer na mag-apply sa lifeline rate program at senior citizen discount. Hindi naman mahirap ang proseso, at kung magkakaroon ng aberya, handa namang tumulong ang kumpanya para masigurong mapakikinabangan ang mga ito.

Maaaring isipin natin na hindi naman kalakihan, pero kaya nga may mga ganitong programa para roon sa mga talagang nangangailangan.

Hindi natin hawak ang galaw ng presyo ng langis, ng dolyar, o ng kuryente pero kung alam natin ang mga ganitong benepisyo, makatutulong talaga ‘yan. Siyempre dagdag pa riyan ang patuloy pa rin na masinop na pagkonsumo sa kuryente — na isa sa palagi ring ipinapaalala ng Meralco.

Maraming mga simpleng gawain na pwedeng sundin para maging masinop at matalino sa paggamit sa kuryente, at makatutulong sa bayarin. Kahit na tag-ulan na at hindi naman na kainitan, importanteng isabuhay ang ganitong mga gawain.

12

Related posts

Leave a Comment