LUMANG PROBLEMA SA BALIK-ESKWELA

EDITORIAL 

BALIK-ESKWELA. Panibagong school year na ibabalik ang pre-pandemic na school calendar. Magsasara ito sa Marso 31, 2026, sakop ang 197 araw ng klase, kabilang ang End-of-School-Year (EOSY) rites.

Bagong school year, ngunit dating problema sa kakulangan ng classroom, kapos na upuan at problema kung paano pagkakasyahin ang mga estudyante sa mga silid-aralan ang sasalubong sa mga guro at estudyante.

Paano tutugunan ang mga problemang ito?

Aminado si Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara na tinatayang 165,000 ang kulang na classroom sa buong bansa, na aabutin ng halos 55 taon upang masolusyunan.

Dahil kulang ng classroom, paaandarin na naman ang pagiging resourceful ng mga guro at estudyante para magkaroon ng espasyong pagdarausan ng mga leksyon.

Dahil kulang din ang mga upuan sa siksikan nang classroom, bahala na ang walang maupuan na humanap ng sasalo sa kanilang puwitan.

Taun-taon nang problema ang kulang sa silid-aralan, na malamang madaragdagan dahil sira na ang iba at hindi na uubra ng ilang taong gamitan.

Hindi ba ito ang unang pagtuunan ng pansin ng pamahalaan, ang dapat tingnan para dagdagan ang pondo ng kagawaran?

Pansamantalang solusyon ang nasisilip ng pamahalaan at ito ay ang balak na makipag-ugnayan sa pribadong sektor para sa ‘build now, lease to government’. Magtatayo ang pribadong sektor at huhulugan ito ng gobyerno sa loob ng 10 taon. Utang sa madaling salita.

Pribadong sektor ang sasalo sa kakulangan ng silid-aralan.

Kung matutuloy ang ugnayan, nasa 10,000 silid-aralan ang maaaring maipatayo.

Sakaling hindi matuloy ang kanilang partnership sa Public-Private Partnership (PPP), ano ang maasahang solusyon sa problema sa eskwelahan?

Kaaya-ayang kapaligiran ang isa sa mga susi para mabuksan ang daan para sa maayos na kalidad na edukasyon. Kung hindi tutugunan ang mga problema ng kakulangan ng silid-aralan, upuan, ay mananatiling kulelat ang mga estudyanteng Pinoy sa math, science, pagbasa, at creative thinking.

Suporta ng pamahalaan ang kailangan para magkaroon ng angkop at kaaya-ayang kapaligiran para sa pagkatuto at pag-aaral.

17

Related posts

Leave a Comment